ANG MANGGAGAWA AT ANG MAKINA
ni Lope K. Santos
(Nalathala sa aklat na "Balagtasan" ni Galileo S. Zafra, pahina 127-149)
(Una sa Tatlong Bahagi)
MANGGAGAWA:
Sa kapangyariha't dunong ni Bathala
ang katauhan ko't lakas ay nagmula:
tagatuloy ako ng Kaniyang ginawa,
tagatupad ako ng Kaniyang tadhana.
Nang ako'y likhai'y Kaniyang sinalinan
ng diwang umibig sa sariling buhay:
ang batas sa lahat at kapangyariha'y
isinalin Niya sa isip ko't kamay.
At sa sangnilikha'y ako ang naghari,
sa mga gawai'y ako ang yumari,
sa likha't nagawa'y ako ang nag-ari,
bihirang nais ko ang hindi naari.
Ako'y walang iba't tanging panginoon
kundi ang Buhay na sanhi ko at layon:
ang iutos nito, hingi't ipakaon
ay hinahanap ko saan man naroon.
Ngunit anong hirap ng sa kabuhayan
ay mamanginoo't maki-makibagay!
daming hinihinging di ko makayanan,
kung alin ang wala'y siyang laging asam!
Tiyan man ng lupa'y aking inuukit,
kagubata't bundok ay sinasaliksik,
pusod man ng dagat, aking sinisisid,
at inaakyat ko pati himpapawid.
Pag nakakapita ang lihi ng Buhay
ay hinahamak ko ang kapanganiban;
sa Buhay, buhay rin ang pinupuhuna't
hawak na ng iba'y aking inaagaw.
Sa katotohana'y dito ko nakitang
ang kabuhayan ko'y hindi nag-iisa;
ang hinahanap ko'y hanap din ng iba't
kung di mang-aagaw, walang makukuha.
Sa pamimiyapis at pakikilamas,
kinakailangan ang lakas ng lakas;
katutubong pawis ay natatagaktak,
katutubong dugo ay naidaranak.
Sisid na ang ulo sa isang sagutin,
babag na ang dibdib sa isang gawain,
at yakap ang bisig sa isang tungkulin;
ang nakikita ko'y kulang at wala rin.
Katulad ng lahat ng mga kinapal,
ang kabuhayan ko'y palago rin naman;
ngunit bawat supling at bungang iluwal,
ang hukbo ng dukha ay pandagdag lamang.
Naglilinang ako't ako'y nagtatanim,
nagbabayo ako't ako'y nagsasaing
ngunit kung luto na't mahain ang kanin,
ibang di naghirap ang nagsisikain.
Gumagawa ako ng mga gusali,
tinitibayan ko ang pagkakayari;
dapwat hindi ako ang nagmamay-ari
kundi mayayaman, maharlika't uri.
Ako'y pumapasok na kawal sa hukbo,
ipinaglilingkod ang dugo't buhay ko;
subalit sa digma, manalo't matalo,
ako rin ang paa at iba ang ulo.
Magagarang damit, magagandang hiyas,
mga kasangkapang gamit sa pag-unlad,
halos sa kamay ko'y nagdaraang lahat,
ngunit sa palad ko'y di man magkabakas.
May mga sandaling aking nasusumpa
ang kabuhayan ko sa balat ng lupa!
bakit kung sino pa ang di gumagawa,
sa mga yari ko ang nagpapasasa!
Akong pati gabi'y aking inaaraw
at libangan ko na ang gawang maglamay;
ano't natitiis ng araw na iyang
pagsawaang lagi ng gabi ang buhay?
Hanggang sariwa pa, ako'y punongkahoy
pitasan ng bunga't liliman ang yabong;
ngunit pag tuyo na, kung hindi itapon,
ginagawa lamang pagkain ng apoy.
Sa panahon ngayo'y ako ang hari raw
sapagkat marami at ako ang bayan;
dapwat ibalintuna ang kapangyariha'y
wala sa marami't nasa ilan lamang.
Kaysawing palad ko! Akong pinagpalang
salinan ng yama't lakas ni Bathala,
ako ang parating apihi't mahina,
gutom sa ginhawa't busog sa dalita.
MAKINA:
Di gaya ng Taong kamay ni Bathala
ang kinikilalang sa kanya'y gumawa;
ang kabuhayan ko at unang simula'y
sumipot at sukat nang di sinasadya.
Ayon sa alamat ni Ada't ni Eba
ay yaong lalaki ang nilikhang una,
bago ang babae'y sa tadyang kinuha;
ngunit ang buhay ko'y iba sa kanila.
Ako'y inianak ng Pagkakataon,
at inalagaan ng mga Panahon;
at nang ang lakas ko'y makita ng Imnong,
sa mga gawain ako'y kinatulong.
May nag-aakalang ang Sangkalikasan
ay isang makinang walang puno't hanggan;
ang lamig ng Tubig at apoy ng Araw,
ang sa araw-gabi ay nagpapagalaw.
Sa libid ng Araw ang lakas ng tala
ay paikot-ikot, mataas-mababa;
kaya nangyayari at nangagagawa
ang lahat sa loob at labas ng Lupa.
At may pagsasabing ang buhay ng Tao'y
isang makina ring kahalintulad ko:
ang pinakamotor ay nasa sa ulong
sa lakad ng araw ay nakikitakbo.
At ang mga lahi't sampung mga bayan,
parang Makina rin sa kanilang buhay;
sa pagkakatulong ng mga kilusan
ay napauunlad ang Sangkatauhan.
Kung di man iisa ang simula namin,
magkaisa kami naman ng layunin;
katungkulan nilang sarili'y buhayin,
at katungkulan kong sila'y buhayin din.
Habang umuunlad ang sa Taong dunong,
dumarami naman ang uri ko't tungkol;
dahil sa lakas ko at sipag tumulong,
ang tao'y nagiging tamarin na tuloy.
Lahat na sa akin ay inihihili,
kasangkapan ako sa pagmamadali,
bawat kailanga'y sa akin ang hingi,
kaya nga't ako rin ang pinayayari.
Ang mga gawaing mahirap sa kamay
ay niyayari kong madali't magaan;
kung ang Tao't Hayop ay aking halinhan,
ang sambuwan nila'y maghapon ko lamang.
Mga karagatang di sukat matawid
ng sa mga taong guniguni't isip;
ay nilalangoy ko ng pabalik-balik,
layo-layong pulo ay napaglalapit.
Mga kailangan, kabunduka't gubat,
di abot ng tao kahit sa pangarap
ay napapatag ko at tinatalaktak,
nang magkaabitan ang magkakaagwat.
Naabot ko na pati papawiri't
ang gawa ng ibon ay gawa ko na rin;
ang langit sa tanaw ng mga paningin,
para ring lupa na kung aking galain.
Sa kaibuturan ng lupa at batong
may likas na yama'y tagabungkal ako;
sampung karagatang di tarok ng Tao
ay nahahalukay at nadudulang ko.
Napagagaan ko ang lalong mabigat,
at nadudurog ko ang lalong mabigat;
ang lalong mababa ay naitataas,
at ang kahinaan ay napalalakas.
Ang dating maliit ay napalalaki,
ang dating iilan ay napararami;
ang dating masama ay napabubuti't
napapamura ko ang mahal na dati.
Ako nga ang Sugo ng Kasaganaan
na di man nagmula kay Bathalang kamay,
kung di sa kataon at sa Tao lamang,
siyang nagbubunton sa Tao ng yaman.
Sa lahat-lahat nang nalikha ng Isip,
sa lahat-lahat nang nayari ng Bisig,
ang mga gawa kong naipagsusulit
sa Sangkatauha'y una at mahigpit.
Ang anim sa sampu ng unlad ng buhay
ng maraming bansa ay sa akin utang:
kaya di malayong dumating ang araw
ng paghahari ko sa Sangkatauhan.
MANGGAGAWA:
Oo, maghambog ka, o makinang taksil!
ang kulang na lamang ay iyong sabihing
ang pagkatao ko'y sa iyo nanggaling,
at sa aki'y ikaw ang nagpapakain!
Kung nalikha ka man ng Pagkakataon
at kinawani ka ng Yaman at Dunong,
kaya ka nayari't malaki na ngayon,
sa kanila'y aking bisig ang tumulong.
Ako ang pumutol ng kahoy sa gubat,
hayop ang kawaning nagbaba sa patag;
ako ang tumangkal, kumatam, tumabas,
at sa katawan mo'y naglapat, nagsangkap.
Ako ang sa lupa'y humukay ng bakal,
sa init ng apoy ay akong tinunaw;
ang bakal ay aking hinubog sa panday,
at ibinaluti sa iyong katawan.
At nang buo ka nang patay pa't tulog din,
ako ang sa iyo'y bumuhay, gumising:
di ka makakilos, kung di ko galawin,
di ka makalakad, kung di ko pihitin.
Sa kabutihan mong manuyo't maglangis
sa Mamumuhunan, ikaw ang inibig;
unti-unti akong sa kanya'y pumait,
at ang paglilingkod ang siyang tumamis.
Napisan sa iyo ang tanang kalinga,
ang kabuhayan mo'y siyang pinagpala;
pinaggugulan ka, hanggang sa mahandang
bawat gawain ko ay iyong magawa.
Habang lumalakas ang kaya mo't saklaw,
ang kabuhayan ko'y humihina naman;
mga katutubong pang-agdo kong buhay
halos pawa mo nang nagaga't naagaw.
Nang sa Karunungang ikaw ay ianak,
kanan ko ang hilot, kaliwa ang salag;
at nang mabuhay ka, lumaki't lumakas,
bisig ko ang iyong laging dinaranas!
May hihigit pa bang pagkawalang turing
ang ginagawa mong paggamit sa akin?
Sa puhunan tayo kapwa na alipin,
ibig mo pa ngayong ako ay patayin!
MAKINA:
Nakakatawa ka, mahal na katoto,
kayhidwang isipan ng sinasabi mo!
Ang dapat kilanlan ng utang ay ako,
at ako ang tanging tutubo sa iyo.
Ginawa man ako'y huwag pagsisihan,
ipagpasalamat at huwag sumbatan:
ikaw sa lakas ko ang nagagaanan,
ikaw sa buti ko ang nakikinabang.
Di ba't alinsunod sa sampalatayang
sa kanunuan mo ay iyong minana,
ang gawang paggawa ay isang parusa
sa lipi ng tao nang una't una pa?
Ano kung sa iyo ay aking agawin
ang parusang iyan at ikaw'y tubusin?
Lahat ng hirap mo'y ibig kong angkinin,
binabawasan ko ang iyong tiisin.
Ang mga gawaing paghihirapan mong
maghapo't magdamag o buong sanlinggo,
sa sandaling oras, isinusulit ko,
ang gawa mo lamang ay bantayan ako.
Ang mga dalahing hindi mo madala,
ang mga gawaing hindi mo makaya;
ang mga ibig mong hindi mo makuha,
di ba't halos pawang ginagawa ko na?
Mga kasangkapang alangan sa iyo
at hindi maabot ng karukhaan mo;
aking pinamura't pinasalasak ko,
kaya dukha ka man ay "mahal ding tao".
Ang mga gawaing bagay lang sa hayop,
kung sa maysalapi ikaw'y naglilingkod;
sa aki'y nalipat ang lahat na halos,
kaya alipin ka'y ako ang busabos.
Ano nga at ikaw'y maghihinanakit
at sa pagsulong ko'y nagdadalang-galit?
pag ako'y nawala, iyong isaisip,
at sa kasukdulan ikaw'y mababalik!
Hindi lamang ikaw! Lahat ng iba pang
nagawi sa akin, at nangabihasang
sa mga tulong ko ay mapaginhawa:
buhay, susumpain, pag ako'y wala na!
(Itutuloy)
Magaling
TumugonBurahin