Lunes, Mayo 2, 2011

Manggagawa - ni Gregorio V. Bituin Jr.

MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung saan-saan ninyo kami nakikita
sa mga lansangan, bukid, talyer, pabrika
naroroon kaming kakaunti ang kita
munting sahod, alipin ng kapitalista

kami ang tinatawag ninyong manggagawa
na iba't ibang produkto ang nililikha
ngunit alipin kaming mga gumagawa
lakas-paggawa'y di binabayarang tama

sa anyo ko'y madali akong makilala
ngunit hindi ang aking mga pagdurusa
pagsisikap ko'y madali nyong makikita
ngunit hindi ang luhang pumatak sa mata

masdan mo't ang mga kamay ko'y pulos lipak
sinemento ko ang maraming daang lubak
pinanday ko'y mga kanyon, araro't tabak
ngunit ako itong gumagapang sa lusak

ako ang nag-aayos ng tagas sa gripo
ako ang tagalilok ng mga rebulto
ako ang sa bukid ninyo'y nag-aararo
ako ang nagtatahi niyang baro ninyo

aking ginawa ang gusali ng Kongreso
Malakanyang, Hudikatura at Senado
pinalilipad ko ang mga eroplano
pandagat din dahil isa akong marino

ako'y gawa ng gawa maghapon, magdamag
sa pagsisipag, katawan ko'y pulos libag
lakas-paggawa ko'y talaga namang laspag
madalas pa, karapatan ko'y nilalabag

ako'y hamak na alipin ng aking amo
ako'y alipin din ng mga asendero
alipin din ng kapitalistang barbaro
kailan ba lalaya sa sistemang ito

barya lang ang sahod, di sapat sa pamilya
habang panay ang tubo ng kapitalista
laging usap nila'y paano yayaman pa
kaya manggagawa'y tinulad sa makina

dahil sa kapitalistang pribilehiyo
na bawat gamit sa produksyon ay pribado
kaming manggagawa'y inalipin ng todo
kayod kalabaw para sa kaybabang sweldo

pribadong pag-aari ang nagtanikala
sa pagkatao't buhay naming manggagawa
dapat nang wasakin ang kalagayang sumpa
sa sistemang bulok dapat kaming lumaya

manggagawa, magkaisa, huwag palupig
sa sistemang tanging tubo ang iniibig
ang kapitalismo'y dapat nating madaig
sosyalismo'y itayo sa buong daigdig

Mayo 1, 2009
Sampaloc, Maynila

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento