Lunes, Mayo 2, 2011

Manggagawa - ni Gregorio V. Bituin Jr.

MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung saan-saan ninyo kami nakikita
sa mga lansangan, bukid, talyer, pabrika
naroroon kaming kakaunti ang kita
munting sahod, alipin ng kapitalista

kami ang tinatawag ninyong manggagawa
na iba't ibang produkto ang nililikha
ngunit alipin kaming mga gumagawa
lakas-paggawa'y di binabayarang tama

sa anyo ko'y madali akong makilala
ngunit hindi ang aking mga pagdurusa
pagsisikap ko'y madali nyong makikita
ngunit hindi ang luhang pumatak sa mata

masdan mo't ang mga kamay ko'y pulos lipak
sinemento ko ang maraming daang lubak
pinanday ko'y mga kanyon, araro't tabak
ngunit ako itong gumagapang sa lusak

ako ang nag-aayos ng tagas sa gripo
ako ang tagalilok ng mga rebulto
ako ang sa bukid ninyo'y nag-aararo
ako ang nagtatahi niyang baro ninyo

aking ginawa ang gusali ng Kongreso
Malakanyang, Hudikatura at Senado
pinalilipad ko ang mga eroplano
pandagat din dahil isa akong marino

ako'y gawa ng gawa maghapon, magdamag
sa pagsisipag, katawan ko'y pulos libag
lakas-paggawa ko'y talaga namang laspag
madalas pa, karapatan ko'y nilalabag

ako'y hamak na alipin ng aking amo
ako'y alipin din ng mga asendero
alipin din ng kapitalistang barbaro
kailan ba lalaya sa sistemang ito

barya lang ang sahod, di sapat sa pamilya
habang panay ang tubo ng kapitalista
laging usap nila'y paano yayaman pa
kaya manggagawa'y tinulad sa makina

dahil sa kapitalistang pribilehiyo
na bawat gamit sa produksyon ay pribado
kaming manggagawa'y inalipin ng todo
kayod kalabaw para sa kaybabang sweldo

pribadong pag-aari ang nagtanikala
sa pagkatao't buhay naming manggagawa
dapat nang wasakin ang kalagayang sumpa
sa sistemang bulok dapat kaming lumaya

manggagawa, magkaisa, huwag palupig
sa sistemang tanging tubo ang iniibig
ang kapitalismo'y dapat nating madaig
sosyalismo'y itayo sa buong daigdig

Mayo 1, 2009
Sampaloc, Maynila

Linggo, Mayo 1, 2011

Bayani - ni Amado V. Hernandez


BAYANI 
ni Amado V. Hernandez
12 pantig bawat taludtod

Ako'y manggagawa: butil ng buhangin
sa daa'y panambak, sa templo'y gamit din;
buhay ko'y sa Diyos utang nga marahil,
ngunit ang palad ko'y utang din sa akin.
Alam ko ang batas: "Tao, manggagaling
sa sariling pawis ang iyong kakanin."

Hubad ang daigdig nang ako'y sumilang
at pikit ang mata ng sangkatauhan:
dahilan sa aki'y kaharia't bayan
ang nangapatayo sa bundok at ilang,
aking pinasikat sa gabi ang araw
at tinanlawan ko ang diwa't ang buhay.

Ako ang nagbangon ng Gresya at Roma,
ako ang nagbagsak sa palalong Troya;
ang mga kamay ko'y martilyo't sandata –
pambuo't panggiba ng anumang pita!
Kung may kayamanan ngayong nakikita,
paggawa ko'y siyang pinuhunan muna!

Ako'y isang haring walang trono't putong,
panginoong laging namamanginoon,
daming pinagpalang binigyan ng milyon
ay ako't ako ring itong pataygutom;
sila ay sa aking balikat tumuntong,
naging Mamo't Nabod ang dati kong ampon!

Sambundok na ginto ang aking dinungkal,
kahi't na kaputol, di binahagihan!
ang aking inani'y sambukiring palay,
nguni't wala akong isaing man lamang!
ang buhay ng iba'y binibigyang-buhay
habang nasa bingit ako ng libingan!

Ang luha ko't dugo'y ibinubong pawa
sa lupang sarili, nguni't nang lumaya,
ako'y wala kahi't sandakot na lupa!
Kung may tao't bayang nangaging dakila,
karaniwang hagda'y akong Manggagawa,
nasa putik ako't sila'y sa dambana!

Kung kaya sumulong ang ating daigdig,
sa gulong ng aking mga pagsasakit;
nilagyan ang tao ng pakpak at bagwis,
madaling nag-akyat-manaog sa langit;
saliksik ang bundok, ang bangin at yungib,
ang kailaliman ng dagat, saliksik!

Ang mga gusali, daan at sasakyan,
ay niyaring lahat ng bakal kong kamay;
sa tuklas kong lakas – langis, uling, bakal,
naghimala itong industria't kalakal;
nguni't lumawak din naman ang pagitan
ng buhay at ari... nasupil ang buhay!

Ang mundo'y malupit: ngayo't ako'y ako,
nakamihasnan nang dustain ng mundo
gayon pa ma'y habang ang tao ay tao,
gawa ang urian kung ano't kung sino;
batong walang ganda'y sangkap ng palasyo,
sanggol sa sabsaba'y naging isang Kristo.

Tuwi na'y wal'in man ako ng halaga,
iyan ay pakanang mapagsamantala;
ang ginto, saan man, ay gintong talaga,
ang bango, takpan man, ay di nagbabawa;
itakwil man ako ng mga nanggaga,
walang magagawang hadlang sa istorya!

Kung di nga sa aki'y alin kayang bagay
ang magkakasigla at magkakabuhay?
Puhunan? Likha ko lamang ang Puhunan!
Bayan? At hindi ba ako rin ang Bayan?
Walang mangyayari pag ako ang ayaw,
mangyayaring lahat, ibigin ko lamang!

Sa wakas, dapat nang ngayo'y mabandila
ang karapatan kong laong iniluha,
ang aking katwiran ay bigyan ng laya
at kung ayaw ninyo'y ako ang bahala
sa aking panata sa pagkadakila...
Taong walang saysay ang di Manggagawa!


Ang tulang Bayani ay nagwagi sa 30 kalaban sa timpalak-panitik sa Malolos, Bulacan, sa pagdiriwang sa Unang Araw ng Mayo noong 1928. Inampalan: Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaceda at IƱigo Ed. Regalado. Ayon kay Senador Recto, ito ang "pinakamahusay na tulang Tagalog sa paksang paggawa."