Lunes, Nobyembre 24, 2025

Hustisya'y bakit pangmayaman lang?

HUSTISYA'Y BAKIT PANGMAYAMAN LANG?

"At ang hustisya ay para lang sa mayaman!"
- mula sa awiting Tatsulok ng Buklod

buti pa ang / mayayaman, / may due process
kapag dukha, / kulong agad, / anong bilis
nalaglag na / sampung piso / ang pinulot
ninakaw na! / kulong agad / at nanagot!

isang balot / lang na monay / o pandesal
dahil gutom / yaong anak / niyang mahal
ang hiningi, / ninakaw daw / ng kriminal
ba't pag dukha, / turing agad / ay pusakal?
 
bilyong bilyong / pisong pondo / nitong bayan
na ninakaw / ng senaTONg / at TONGgresman
may due process, / di makulong / ang kawatan
hay, sa bansa / ang hustisya'y / bakit ganyan?

baguhin na / itong bulok / na sistema
pagkat tila / pangmayaman / ang hustisya
ang bulok na / lipunan ay / palitan na
nang hustisya'y / matamo rin / nitong masa

- gregoriovbituinjr.
11.24.2025

* litrato kuha sa Fiesta Carnival, Cubao, QC

National Poetry Day, alay kay Jose Corazon de Jesus

NATIONAL POETRY DAY, ALAY KAY JOSE CORAZON DE JESUS

ang Pambansang Araw ng Pagtulâ
ay inalay sa tanging makatâ
Bayan Ko nga'y siya ang maykathâ
pati na ang tulang Manggagawà

kilala siyang Huseng Batutè
siya'y makatang nananatili
sa pusò ng bayan, na ang mithi
ay kagalingan ng buong lahi

O, Gat Jose Corazon de Jesus
bunying makatâ ng bayang lubos
ang mga tula mo'y tumatagos
sa pusò nitong masa'y hikahos

kaarawan mo'y tinalaga nga
na Pambansang Araw ng Pagtulâ
salamat, O, Dakilang Makatâ
sa pamana mong tagos sa madlâ

- gregoriovbituinjr.
11.24.2025

* isinilang ang dakilang makatang Jose Corazon de Jesus noong Nobyembre 22, 1894. Itinalagang National Poetry Day ang kanyang kaarawan noong 2022.
* litrato mula sa google

Buwaya, buwitre, at ulupong

BUWAYA, BUWITRE, AT ULUPONG

parang holdaper ng buong nasyon
na harap-harapan ang insersyon
at pagkawat sa pondong dinambong
ng buwaya, buwitre't ulupong

nagkwentuhan ang kunwari'y lingkod:
Buwaya: "Di pa kami mabusog!"
Buwitre: "Di rin kami mabusog!"
Ulupong: "Pag busog na'y tutulog!"

ang mga buwaya'y tuwang-tuwâ
sa sinagpang na pondo ng bansâ
nagbundatan na ang walanghiyâ
at nagsikapalan din ang mukhâ

nanginain ang mga buwitre
ng buwis kaya di makangisi
pondo ng bayan ay sinalbahe
nilang masisibà araw-gabi

at sinagpang ng mga ulupong
ang kaban ng bayan, kinuratong
ng kontrakTONG, TONGresman, senaTONG
ulo nila'y dapat nang gumulong!

- gregoriovbituinjr.
11.24.2025

Linggo, Nobyembre 23, 2025

Ako ma'y isang tinig sa ilang

AKO MA'Y ISANG TINIG SA ILANG

ako'y isa raw tinig sa ilang
walang nakikinig, tila hunghang
kayraming tao sa kalunsuran
ay tila ba nasa kaparangan
salitâ nang salitâ nang gising
tulâ ng tulâ ay nanggigising
ng mga tulog na kaisipan
ng mga himbing pa sa higaan
sumisigaw laban sa kurakot
na di napapakinggan ng buktot
na trapo, burgesya, dinastiya,
tusong kuhilà, oligarkiya
nananatiling tinig sa ilang
ang makatang di pinakikinggan 

- gregoriovbituinjr.
11.23.2025

Magkaisa laban sa mga korap

MAGKAISA LABAN SA MGA KORAP

magkaisa laban sa mga mapagpanggap
na lingkod bayang sa masa'y pawang pahirap
silang sa pondo ng bayan nagpakasarap
anak nilang nepo'y pulos luhò ang lasap

korapsyon ay patuloy nating tuligsain
tao'y sadyang galit na sa kanilang krimen
sa bayan, nalikhang poot ay tumitining
galit ng mahihirap lalo pang iigting

sobra na, tama na, wakasan ang korapsyon
ibagsak ang buwitreng sa pondo lumamon
ibagsak ang buwayang yumurak sa nasyon
ibagsak ang ahas na buwis ang nilulon

panahon nang magkaisa ng mahihirap
upang maitatag ang lipunang pangarap
palitan na ang sistemang walang paglingap
sa masa na ang buhay ay aandap-andap

- gregoriovbituinjr.
11.23.2025

* alay sa National Poetry Day, 11.22.2025

Sabado, Nobyembre 22, 2025

Maralita laban sa korapsyon!

MARALITA LABAN SA KURAPSYON!

panahon na ngang ating labanan
ang mga kuhila't tampalasan
palitan ang bulok na lipunan
palitan din ang pamahalaan

kinurakot nga ng mga korap
ang buwis natin sa isang kisap
mata, ang pondo'y nawalang ganap
mas naging dehado ang mahirap

buwis ng bayan ang kinurakot
ng mga talipandas at buktot
buwis ng dukha'y pinaghuhuthot
ng lingkod bayang pawang balakyot

marunong ding magalit ang dukha
imbes pondo'y sa bahay at lupa
ang pondo'y kinurakot ngang sadya
ng mga pulitikong kuhila

O, maralita, magalit ka na!
ibagsak na ang oligarkiya,
gahaman, dinastiya, burgesya
baguhin ang bulok na sistema!

- gregoriovbituinjr.
11.22.2025 (National Poetry Day)

Sa Ngalan Ng Tula (ngayong National Poetry Day 2025)

SA NGALAN NG TULA (ngayong National Poetry Day 2025)

ngayong National Poetry Day, tula'y bibigkasin
sa pagtitipon ng kabataang kasama natin
o kaya'y sa pagtitipon ng mga maralita
sa isang komunidad, ngunit konsyerto na'y wala

kasabay ng bertdey ni Jose Corazon de Jesus
unang hari ng Balagtasan, kayhusay na lubos
tema ngayon: "Tula't Tuligsâ Laban sa Korapsyon"
pumapaksa sa mga pulitikong mandarambong

tuligsa laban sa buwayang walang kabusugan
mga kontraktor, senador, konggresistang kawatan
dahil sa bahâ, nabisto ang isyung ghost flood control
na pondo ng bayan ay sa pansarili ginugol

ng mga lingkod bayang buwis nati'y binuriki
ng mga dinastiyang di na dapat manatili
anang makatâ: parusahan ang lahat ng buktot!
sigaw ng masa: ikulong na 'yang mga kurakot!

- gregoriovbituinjr.
11.22.2025

4 na tulang pangkabataan laban sa korapsyon

4 NA TULANG PANGKABATAAN LABAN SA KORAPSYON
(alay sa National Poetry Day, Nobyembre 22, 2025)

Tula 1

NAIS NG KABATAAN
(7 syllables per line)

ang mga kabataan
ang pag-asa ng bayan
ani Gat Jose Rizal
na bayaning marangal

ayaw ng kabataan
kaban ay ninakawan
ng mga lingkod bayang
nagsisilbi sa ilan

kaya aming nilandas
ang pangarap na wagas:
isang lipunang patas
at may magandang bukas

kabataan na'y sangkot
sa paglaban sa buktot
na trapong nangurakot
na dapat mapanagot

iyan ang sigaw namin
ang kurakot ay krimen
sa bayan at sa atin
dapat silang singilin

Tula 2

PONDOHAN ANG EDUKASYON, DI ANG KORAPSYON 
(13 syllables per line)

ang isinisigaw ng kabataan ngayon
pondohan ang edukasyon, di ang korapsyon
sa aming kabataan, ito'y isang hamon
na dapat dinggin ng namumuno sa nasyon

anang DepEd, dalawampu't dalawang klasrum
lamang umano ang nagawâ ngayong taon
sa sanlibo pitong daang target na klasrum 
aba'y wala pa sa isang porsyento iyon

mga bata'y di makapasok sa eskwela
pagkat laging baha sa eskwela't kalsada
sa Bulacan ang flood control ay ghost talaga
mga kontraktor ay nagtabaan ang bulsa

kaya ang panawagan naming kabataan:
edukasyon ang pondohan, di ang kawatan
korap, managot para sa kinabukasan
buwis at pondo ng bayan ay protektahan

mabuhay ang mga kabataan ng masa
at mabuhay ang Partido Lakas ng Masa
para sa kinabukasan ay magkaisa 
korapsyon wakasan! baguhin ang sistema!

Tula 3
PANGARAL NG AKING AMA'T INA
(10 syllables per line)

iginagapang ako ni ama
nang makatapos sa pag-aaral
at inaasikaso ni ina
kaya busog ako sa pangaral 

pinangaralang huwag magnakaw
kahit piso man sa kaibigan
habang pulitiko'y nagnanakaw
ng bilyones sa kaban ng bayan

bakit ang masama'y bumubuti
at ang mga tama'y minamali
baliktad na mundo ba'y mensahe
ng mga pulitikong tiwali

sana makagradweyt pa rin ako
kinabukasa'y maging maayos
habang ako'y nagpapakatao
nakikipagkapwa kahit kapos

Tula 4

KABATAAN PA BA'Y PAG-ASA
(10 syllables per line)

binabahâ kami sa Bulacan
di na makapasok sa eskwela
bahang-baha sa mga lansangan
walang madadaanan talaga

dati may sakahan pa si tatay
ito na'y naging palaisdaan
dati pipitas kami ng gulay
ngayon, nawalâ iyong tuluyan

dati, gagawa kaming proyekto
katulad halimbawa ng parol
ngayon, may proyekto ang gobyerno
ngunit iyon pala'y GHOST flood control

kabataan pa ngâ ba'y pag-asa?
bakit nasa gobyerno'y kurakot
bakit nangyayari'y inhustisya
bakit korap ay dapat managot

kaylaking pwersa ng kabataan
kaya dapat lang kaming lumahok
upang lumikha ng kasaysayan 
na palitan ang sistemang bulok

- gregoriovbituinjr./11.22.2025

Biyernes, Nobyembre 21, 2025

Tulâ 2 sa bisperas ng National Poetry Day

 

TULÂ 2 SA BISPERAS NG NATIONAL POETRY DAY

salamat sa nagpoprotesta sa Edsa Shrine
pagkat ako'y binigyan ng pagkakataon
na tumulâ sa kanilang kilos protesta
laban sa mga kurakot sa ating bayan

naka-Black Friday Protest ako ng umaga
tumulâ sa Edsa Shrine pagsapit ng gabi
bukas ay National Poetry Day pa naman
araw ng pagtula'y paghandaang mabuti

muli ay taospuso pong pasasalamat
sa lahat ng nagbigay ng pagkakataon
upang sa aktibidad nila'y makabigkas
ng kathang tula sa isyung napapanahon

ito lang kasi ang mayroon ako: TULÂ
na marahil walang kwenta't minamaliit
bagamat tiibak na lingkod ng maralitâ
patuloy na pagkathâ sana'y maigiit

- gregoriovbituinjr.
11.21.2025

Huwebes, Nobyembre 20, 2025

Ayaw natin sa lesser of two evils

AYAW NATIN SA LESSER OF TWO EVILS

bakit papipiliin ang bayan
sa sabi nga'y "Lesser of Two Evils"
isa ba sa dalawang demonyo
ang magliligtas sa sambayanan?

HINDI, di tayo dapat pumili
sa sinumang demonyo't kawatan
piliin natin lagi'y mabuti
para sa lahat ng mamamayan

ano bang dapat nating piliin?
Kadiliman ba o Kasamaan?
Mandarambong o mga Kawatan?
Kurakot o Kasinungalingan?

piliin natin ang Kabutihan!
ang kabutihan ng Sambayanan
dapat manaig ang Kabutihan
ng bayan, buhay, kinabukasan

ayon nga sa ating Konstitusyon:
ang "Public Office is a public trust"
"Sovereignty resides from the people,
all authority emanates from them."

itayo: Peoples Transition Council
upang iwaksi ang trapo't evil
taumbayan na'y di pasisiil
sa dinastiya, burgesya't taksil

- gregoriovbituinjr.
11.20.2025

* litrato mula sa google

Mag-ingat po

MAG-INGAT PO

mag-ingat po sa nandurukot sa pondo ng bayan
mag-ingat po sa mga nandarambong at kawatan
mag-ingat sa nambuburiki sa kaban ng bayan 
maging alisto lagi tayo, mga kababayan

ibinubulsa ng mga trapo ang ating buwis
nagsipagbundatan kaya sila nakabungisngis
bilyong pisong pondo'y kinurakot, parang winalis
habang sa hirap, karaniwang tao'y nagtitiis

buwayang walang kabusugan, kaylaki ng bilbil
habang mga maralita, sa asin nagdidildil
O, Bayan ko, sa ganyan, kayo pa ba'y nagpipigil?
di pa ba kayo galit sa gawâ ng mga taksil?

sa ganitong nangyayari, bayan ang mapagpasya!
halina't tayo'y kumilos, baguhin ang sistema!
wakasan! kurakot, dinastiya, oligarkiya!
itayo ang lipunang pantay at para sa masa!

- gregoriovbituinjr.
11.20.2025

Hilakbot ng kurakot

HILAKBOT NG KURAKOT

hilakbot ng kurakot
ay nakapanlalambot
dapat silang managot
sa inhustisyang dulot

sa bayang binabalot
ng sistemang baluktot,
oligarkiyang buktot
dinastiyang balakyot

sadyang nakatatakot
ang gawa ng kurakot:
krimeng may pahintulot
di man lang nagbantulot

batas na'y binaluktot
ang kaban ay hinuthot
ang buwis ay dinukot
bilyong piso'y hinakot

ng mga trapong buktot
at kuhilang balakyot
na dapat lang managot
at walang makalusot

bansa'y nangingilabot
sa mga ganyang gusot
krimen nilang dinulot
sa bansa nga'y bangungot

- gregoriovbituinjr.
11.20.2025

* litrato kuha sa Plaza Bonifacio sa Pasig noong Nobyembre 8, 2025, bago magsimula ang Musika, Tula, Sayaw sa "Pasig Laban sa Korapsyon"

Miyerkules, Nobyembre 19, 2025

Sa pagluwas

SA PAGLUWAS

doon sa kanluran / ako'y nakatanaw 
habang makulimlim / yaring dapithapon
hanggang sa nilamon / ng dilim ang araw
tila ba nalugmok / sa tanang kahapon

di lubos maisip / ang kahihinatnan
ng abang makatâ / sa pakikibaka
iwing tula'y punyal / sa abang lipunang
minanhid na nitong / bulok na sistema

sa silangan naman, / aking ninanais
ay maghimagsik na / ang mga naapi:
uring manggagawa't / masang anakpawis
batà, kabataan, / pesante, babae

sa aking pagluwas, / dala'y adhikain
at asam ng bayang / tuluyang lumayà
sa pagiging mga / sahurang alipin
maglingkod nang tunay / sa obrero't dukhâ 

- gregoriovbituinjr.
11.19.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/r/19jxFVwRDx/ 

Linggo, Nobyembre 16, 2025

Mga Buwayang Walang Kabusugan

MGA BUWAYANG WALANG KABUSUGAN

kung si Gat Amado V. Hernandez
ay may nobelang "Luha ng Buwaya"
balak kong pamagat ng nobela:
"Mga Buwayang Walang Kabusugan"

na tumatalakay sa korapsyon
doon sa tuktok ng pamahalaan
iyan ang isa kong nilalayon
kaya buhay pa sa kasalukuyan

kaya inaaral ko ang ulat
bawat galaw ng mga pulitiko
silang anong kakapal ng balat
oligarkiya't dinastiyang tuso

binaha tayo dahil sa buktot
na pulitikong nagsipagbundatan
pondo ng bayan ay kinurakot
ng mga mandarambong o kawatan

kontrakTONG, senaTONG, at TONGgresman
sa bayan ay dapat lamang managot
panagutin, ikulong, parusahan!
ang mga buktot, balakyot, kurakot!

baguhin ang bulok na sistema
nilang buwayang walang kabusugan
nang sila'y di na makabalik pa
nang kaban ng bayan, di na masagpang

- gregoriovbituinjr.
11.16.2025

* litrato mula sa SunStar Davao na nasa kawing na: https://www.facebook.com/photo/?fbid=1298579265643619&set=a.583843763783843 
* litrato mula sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) na nasa kawing na: https://www.facebook.com/photo/?fbid=1265911858906521&set=pcb.1265914755572898 

This is where your taxes go: KURAKOT!

THIS IS WHERE YOUR TAXES GO: KURAKOT!

saan napunta ang buwis ng taumbayan?
tanong iyan ng ating mga kababayan:
OFW, manggagawa, kabataan,
kababaihan, dukha, simpleng mamamayan

saan? nasa bulsa ng buwayang kurakot!
saan pa? sa bulsa ng buwitreng balakyot!
saan pa? sa bulsa ng tongresistang buktot!
ha? sinagpang pa ng ahas! nakalulungkot!

buwis iyon ng bayan! bakit ibinulsa?
para sana di binabaha ang kalsada
bata'y walang bahang papasok sa eskwela
obrero'y walang baha tungo sa pabrika

ay, kayrami palang buwaya sa Senado
insersyon sa badyet, sa ghost project daw ito
pulos mga buwitre naman sa Kongreso
na badyet sa Malakanyang ay aprubado

O, kababayan, anong dapat nating gawin
kung tayo ang botante't employer nila rin
mga kurakot ay ating pagsisibakin!
sa halalan, sila'y huwag nang panalunin!

- gregoriovbituinjr.
11.16.2025

* litrato mula sa google

Sabado, Nobyembre 15, 2025

Ihing kaypalot

IHING KAYPALOT

naamoy ko ang palot na iyon
habang lulan ng dyip tungong Welcome
Rotonda, kaytinding alimuom
na talaga ngang nasok sa ilong

sa pader, ihi'y dumikit dito
kaya pulos karatula rito
saanman magawi ay kita mo
may pinta: Bawal Umihi Dito

kayhirap maamoy ang mapalot
dahil sa ilong ay nanunuot
di pupwede sa lalambot-lambot
baka hinga'y magkalagot-lagot

dapat umihi pag naiihi
kung pantog puputok nang masidhi
subalit saan tayo gagawi
kung walang C.R. nang di mamanghi

kailan pa tao matututo
pader ay di ihiang totoo
upang di magkasakit ang tao
upang di labag sa batas ito

- gregoriovbituinjr.
11.15.2025

A-kinse na

A-KINSE NA

may kwento noong ngayo'y aking naalala:
minsan daw ay lumindol doon sa pabrika
sigaw ng isa: nakupo! katapusan na!
ang sagot ng isa: a-kinse pa lang, tanga!

tulad ng petsa ngayon: Nobyembre a-kinse
sweldo na naman, paldo muli si kumpare
at may pang-intrega na siya kay kumare
may pampa-tuition na sa anak na babae

inaabangang sadya ang araw ng sahod
matapos kinseng araw na nagpakapagod
na ramdam ng manggagawa'y nakalulugod
lalo na't sa pamilya siya ang gulugod

O, kinsenas, kapag ikaw na ang dumatal
nagkalipak man ang palad at kumakapal
ginhawa'y dama matapos ang pagpapagal
sana'y di magkasakit, buhay pa'y tumagal

- gregoriovbituinjr.
11.15.2025

Biyernes, Nobyembre 14, 2025

Bumerang

BUMERANG

matapos raw ang kaytinding bagyo
matapos humupà ang delubyo
mababakas ang gawa ng tao
basura'y nagbalikang totoo

tinapon nila'y parang bumerang
tulad ng plastik sa basurahan
mga binasura'y nagbumerang
tinapon sa kanal naglabasan

parang mga botanteng nasukol
na binoto pala nila'y ulol
binotong sangkot sa ghost flood control
na buwis sa sarili ginugol

binoto'y mga trapong basura
na nagsisibalikan talaga
upang sa masa'y muling mambola
mga trapong dapat ibasura

at kung káya'y huwag pabalikin
ang dapat sa kanila'y sunugin
upang di na makabalik man din
basura silang dapat ubusin

- gregoriovbituinjr.
11.14.2025

* komiks mula sa pahayagang Bulgar, 11.13.2025, p.5    

Huwebes, Nobyembre 13, 2025

DPWH ba'y paniniwalaan pa?

DPWH BA'Y PANINIWALAAN PA?

mukhang DPWH nagpapabango
nasa headline sila ng isang pahayagan
nagsalitâ sa pananalasa ng bagyo
mga pambansang daan ay di madaanan

di mo na tuloy alam kung anong totoo
pag DPWH na ang nagsalitâ
silang pangunahing sa kurakot nabisto
ay mag-uulat sa bayan hinggil sa sigwâ

maniniwala ba o ito'y guniguni
tulad ng pinag-uusapang ghost flood control
aasahan ba ang kanilang sinasabi?
e, kawatan at sinungaling nga'y mag-utol

flood control project ba'y sasabihing maayos?
at di substandard ang gamit na materyales?
matitibay daw ang gawa kahit mag-unos
e, maraming binaha, duda'y di naalis

DPWH ba'y paniniwalaan
ng bayang galit sa mga trapong kurakot
ahensyang pangunahin nga sa kurakutan!
O, DPWH, dapat kang managot

- gregoriovbituinjr.
11.13.2025

* litrato mulâ sa headline ng pahayagang Pang-Masa, Nobyembre 11, 2025

Miyerkules, Nobyembre 12, 2025

Korapsyon: Kung anong bigkas, siyang baybay

KORAPSYON: KUNG ANONG BIGKAS, SIYANG BAYBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabasa ko ang sinulat ni National Artist Virgilio S. Almario sa kanyang kolum na Filipino Ngayon sa pesbuk hinggil sa baybay ng salin sa wikang Filipino ng corruption. Tinalakay nga niya kung korupsiyon ba o korapsiyon ang tamang salin. Basahin ang kanyang sanaysay na may pamagat na KORUPSIYON O KORAPSIYON? sa kawing na: https://web.facebook.com/photo?fbid=1403137705151190&set=a.503294381802198

Pansinin. Sa dalawang nabanggit na salitâ ay kapwa may titik i sa pagitan ng titik s at y. Hindi niya binanggit ang salitang korapsyon. Palagay ko'y dahil mas akademiko ang kanyang talakay.

Sa karaniwang manunulat tulad ko, natutunan ko ang isang batas sa balarila na nagsasabing kung anong bigkas ay siyang baybay. O kung paano sinabi ay iyon ang ispeling.

Kaya sa wari ko ay walang mali sa salitang korapsyon o kaya'y kurapsyon. Di tayo tulad ng mga Inglesero na talagang mahigpit sa ispeling.

Ang salitang korapsyon ang ginamit ng mga taga-Pasig sa kanilang konsiyertong Pasig Laban sa Korapsyon noong Nobyembre 8, 2025, kung saan isa ako sa naimbitahang bumigkas ng tulâ hinggil sa nasabing napapanahong isyu.

Kaya ang salitang korapsyon ang gagamitin ko sa ipapagawa kong tarp para sa paglahok sa isang konsyerto sa Nobyembre 22, kung saan nakasulat: National Poetry Day 2025: TULA'T TULIGSA LABAN SA KORAPSYON. Planong ganapin iyon sa isang komunidad ng maralita sa Malabon. Tutulâ ako sa konsiyerto bilang sekretaryo heneral ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Ang salitang iyon din ang madalas kong gamitin sa pagkathâ ng tulâ. At iyon din ang naisip kong gamitin sa isang munting aklat ng tulâ na ilalabas ko sa Disyembre 9, kasabay ng International Anti-Corruption Day. Ang nasabing libreto, na sukat ay kalahating short bond paper at nasa limampung pahina, ay may pamagat na TULA'T TULIGSA LABAN SA KORAPSYON.

Gayunman, iginagalang ko ang pagtingin ni Rio Alma (sagisag sa pagtulâ ni V. S. Almario) hinggil sa korupsiyon o korapsiyon. Si Sir Rio ay naging gurô ko sa pagtulâ sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) nang kumuha ako ng pagsasanay rito mula Setyembre 1, 2001 hanggang grumadweyt dito noong Marso 8, 2002.

Halina't abangan ang paglulunsad ng munting aklat laban sa korapsyon sa Disyembre 9, ang pandaigdigang araw laban sa korapsyon. Inaayos lang ang lugar na paglulunsaran ng aklat.

11.12.2025

P.S. Salamat kay Ninong Dado sa litrato