Lunes, Setyembre 1, 2025

Lipunang malaya't matinô

LIPUNANG MALAYA'T MATINÔ

pangarap ko'y malaya't matinong lipunan
umiiral ay patas at makatarungan
na walang api't pinagsasamantalahan
ng dinastiya, oligarkiya't gahaman

pangarap ko'y lipunang matino't malayà
kung saan walang trapo't burgesyang kuhilà
sa anumang pakikibaka'y laging handâ
kumikilos kasama ng obrero't dukhâ

pangarap ko'y lipunang malaya't matinô
na lahat ng lahi't bansa'y nagkakasundô
umiiral ay di pagkaganid sa gintô
kundi pakikipagkapwa sa buong mundô

lipunang matino't malaya ang pangarap
na makamit na bawat isa'y lumilingap
sa kanyang kapwa, kaya tayo na'y magsikap
na abutin ang kaytayog mang alapaap

- gregoriovbituinjr.
09.02.2025

Nais ko'y ukit na maso sa lapida

NAIS KO'Y UKIT NA MASO SA LAPIDA

sakaling mamatay / ang makatang kapos
ayoko ng daop / na palad o kurus
kundi yaong masong / gamit ng busabos
nang sistemang bulok / ay buwaging lubos

hindi natin batid / kailan babagsak
ang katawang lupa / sa putik o lusak
sakaling ibaon / saanpamang lambak
sa lapida'y nais / na ito'y itatak:

"narito'y makatâ / ng obrero't dukhâ
tagapagtaguyod / ng sariling wikà
tibak na Ispartan / sa puso at diwà
sistema'y palitan / ang inaadhikà

panay ang pagtulâ / kahit makulimlim
sa masa'y nagsilbi / ng tapat at lalim
sa dumaan dito't / sumilong sa lilim
nagpapasalamat / siya ng taimtim"

- gregoriovbituinjr.
09.01.2025

* larawan ay dinisenyo ng makatang galâ