Linggo, Agosto 24, 2025

Sa pambansang araw ng mga bayani

SA PAMBANSANG ARAW NG MGA BAYANI

di lang sina Jacinto, Andres, Luna't Rizal
ang mga bayaning dapat nating itanghal
sa kasalukuyan, maraming mararangal
na kaylaking ambag sa bayan, nagpapagal

kayraming bayaning mga walang pangalan
na talaga namang naglingkod din sa bayan
uring manggagawa at taong karaniwan
sa bawat bansa'y tagapaglikha ng yaman

nariyan ang mga mangingisda, pesante
nariyan ang ating mga ina, babae
aktibista muna bago naging bayani
ngunit di ang mga pulitikong salbahe

ang mga O.F.W. ay bayani rin
na remittances ang ambag sa bayan natin
di man sila kilala'y dapat ding purihin
na mga inambag ay di dapat limutin

ang uring manggagawa ang tagapaglikha
nitong ekonomya't mga yaman ng bansa
mangingisda't magsasaka'y tagapaglikha
nitong mga pagkain sa hapag ng madla

sa lahat ng mga bayani, pagpupugay!
tunay na magigiting, mabuhay! Mabuhay!
nagawa ninyo sa bayan ay gintong lantay
na sa pamilya't bayan ay ambag na tunay

- gregoriovbituinjr.
08.25.2025

Biyernes, Agosto 22, 2025

Sa Buwan ng Kasaysayan

SA BUWAN NG KASAYSAYAN

patuloy lamang tayong magbasa
ng mga aklat sa kasaysayan
baka may mabatid pa ang masa
na nakatago pang kaalaman

tara, mandirigma't magigiting
o makabagong Katipunero
panlipunang sistema'y aralin
bakit ang daigdig ay ganito

mga digmaan ay anong dami
nais manakop ng ibang bansa
bakit may mga bansang salbahe
nangapital versus manggagawa

asendero versus magsasaka
pananakop versus tamang asal
elitista't mga dinastiya
versus masang kanilang nasakal

kasaysayan ay di lang si Andres
Bonifacio o Rizal, bayani
kundi pati masang ginagahis
sinasamantala't inaapi

dapat lamang baguhin ang bulok
na sistema, kaya pag-aralan
ang kasaysayan ng nasa tuktok
ng gumagawa't nasa laylayan

- gregoriovbituinjr.
08.23.2025

Miyerkules, Agosto 6, 2025

Balitang welga

BALITANG WELGA

panig ba ng unyon ay naibulgar?
o ng manedsment lang sa dyaryong Bulgar?
nabayaran kaya ang pahayagan?
upang nagwelgang unyon ay siraan?

nang ako'y naging manggagawa dati
pabrikang KAWASAKI ay katabi
ng pabrikang noo'y pinasukan ko
doon sa Alabang, pabrikang PECCO

kaya ang laban ng kanilang unyon
sa kalooban ko'y malapit iyon
sa tarangkahan nga ng Kawasaki
papasok upang magtrabaho kami

nawa ang panig din ng nagwewelga
sa Bulgar ay maibalita sana
di lang ang panig ng nagnenegosyo
kundi't higit ang panig ng obrero

- gregoriovbituinjr.
08.06.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 6, 2025,  pahina 2
* PECCO - Precision Engineered Components Corporation