Martes, Pebrero 25, 2025

Isang aral ng Edsa ang sama-samang pagkilos

ISANG ARAL NG EDSA ANG SAMA-SAMANG PAGKILOS

buhay ang sama-samang pagkilos ng sambayanan
buhay ang Edsa sa atin, sa diwa't kalooban
aral ng sama-samang pagkilos ay kailangan
upang mabago ang bulok na sistema't lipunan

sobra na ang pamumuno ng burgesyang kuhila
wakasan ang dinastiyang pulitikal sa bansa
asahan na natin ang alternatibo ng madla
ang uring manggagawa, ang hukbong mapagpalaya

isang aral ng Edsa ang sama-samang pagkilos
ng magkakauri upang kabuluka'y matapos
wakasan ang pagsasamantala't pambubusabos
ng mga elitista sa uring naghihikahos

wakasan ang pamamayagpag ng oligarkiya,
ng kapitalista, ng asendero, elitista
O, Bayan ko, wakasan na ang bulok na sistema!
at sama-samang itayo ang gobyerno ng masa!

- gregoriovbituinjr.
02.25.2025

* litratong kuha malapit sa People Power Monument habang ginugunita ang ika-39 na anibersaryo ng Unang Pag-aalsang Edsa

Pagbigkas ng tula sa People Power Monument

PAGBIGKAS NG TULA SA PEOPLE POWER MONUMENT

Ikalima ng hapon, sa harap ng People Power Monument, kasabay ng pagkilos ng mamamayan sa paggunita sa ika-39 na anibersaryo ng Unang Pag-aalsang Edsa, Pebrero 25,  2025, ay nag-bidyo-selfie ang makatang gala sa pagbigkas ng kanyang inihandang tula:

POSITIBO'T NEGATIBONG ARAL NG EDSA 1986

kasama ko si Dad sa unang pag-aalsang Edsa
pati na mga tagasimbahang kagrupo niya
dinala'y laksang pandesal na pinamigay nila
sa makitang tao sa Edsa na nakikiisa

iyon nga'y malaking kaganapan sa kasaysayan
na kung ating aaralin ay sadyang katunayan
na kung magkakaisa talaga ang mamamayan
kayang magpatalsik ng diktador sa ating bayan

sa panahong iyon, talagang masaya ang madla
subalit nang lumayas na ang diktador sa bansa
ang sabi'y pangako ng Edsa'y tuluyang nawala
sa gobyerno'y di nakapwesto ang obrero't dukha

pag-aalsa iyong buong mundo na ang pumuri
ngunit pumalit, mula rin sa naghaharing uri
kaya di pa rin natupad ang pangarap na mithi
palitan ang bulok na sistemang kamuhi-muhi

isa iyong malaking aral na dapat manilay
sa sama-samang pagkilos ay kakayaning tunay
na baguhin ang sistema't makamit ang tagumpay
huwag lang sa di kauri ang panalo'y ibigay

- gregoriovbituinjr.
02.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/xZmFIKOOO

Lunes, Pebrero 24, 2025

Positibo't negatibong aral ng EDSA 1986

POSITIBO'T NEGATIBONG ARAL NG EDSA 1986

kasama ko si Dad sa unang pag-aalsang Edsa
pati na mga tagasimbahang kagrupo niya
dinala'y laksang pandesal na pinamigay nila
sa makitang tao sa Edsa na nakikiisa

iyon nga'y malaking kaganapan sa kasaysayan
na kung ating aaralin ay sadyang katunayan
na kung magkakaisa talaga ang mamamayan
kayang magpatalsik ng diktador sa ating bayan

sa panahong iyon, talagang masaya ang madla
subalit nang lumayas na ang diktador sa bansa
ang sabi'y pangako ng Edsa'y tuluyang nawala
sa gobyerno'y di nakapwesto ang obrero't dukha

pag-aalsa iyong buong mundo na ang pumuri
ngunit pumalit, mula rin sa naghaharing uri
kaya di pa rin natupad ang pangarap na mithi
palitan ang bulok na sistemang kamuhi-muhi

isa iyong malaking aral na dapat manilay
sa sama-samang pagkilos ay kakayaning tunay
na baguhin ang sistema't makamit ang tagumpay
huwag lang sa di kauri ang panalo'y ibigay

- gregoriovbituinjr.
02.25.2025

* litrato mula sa google

P5 dagdag pasahe sa dyip, grabe

P5 DAGDAG PASAHE SA DYIP, GRABE

tataas ang pamasahe
di tumataas ang sahod
makikinabang ang tsuper
dagdag-hirap sa komyuter

ang limang piso'y di barya
lalo't mahirap ang tao
na sadyang pinagkakasya
ang kakarampot na sweldo

kauna-unawa naman
na ang pagtaas ng presyo
ng langis at gasolina
ay sadyang di mapigilan

may Oil Deregulation Law
na bahala ang negosyo
kaya pagtaas ng presyo
di mapigil ng gobyerno

nagtataasan ang lahat
maliban sa sahod nila
kailan ba mamumulat
na baguhin ang sistema

- gregoriovbituinjr.
02.24.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 20, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Sabado, Pebrero 22, 2025

Tatawirin ko kahit pitong bundok

TATAWIRIN KO KAHIT PITONG BUNDOK

tatawirin ko kahit pitong bundok
upang sa sinta'y mapatunayan ko
na siya ang sa puso'y tinitibok
nang tamaan ng pana ni Kupido

tatawirin ko kahit pitong bundok
upang patunayan lamang sa masa
na nagsisikap abutin ang tuktok
na kakamtin din nila ang hustisya

tatawirin ko kahit pitong bundok
bilang patunay sa obrero't dukha
na sila'y totoong lider na subok
na magbabago sa takbo ng bansa

tatawirin ko kahit pitong bundok
upang sa kababaihan patunay
na aking madalas na naaarok
sila'y pawang lider na mahuhusay

tatawirin ko kahit pitong bundok
upang patunayan sa mga api
na sila'y di lagi na lang yukayok
kundi giginhawa rin at bubuti

tatawirin ko kahit pitong bundok
na sistemang bulok pala'y titirik
kung sama-sama nating matatarok
na kailangan palang maghimagsik

- gregoriovbituinjr.
02.23.2025

Look Forward tayo kay Attorney Luke

Look Forward tayo kay Attorney Luke
Lider-manggagawa siyang subok
Sa Senado ay ating iluklok
Lalo 't sistema'y di na malunok

Iboto natin, Luke Espiritu
Na dapat maupo sa Senado
Siya ang kailangan, Bayan ko
Tungo sa tunay na pagbabago!

- gregoriovbituinjr.
02.22.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/xVuJe1tdSQ/

Dahil sa political dynasty

Dahil sa political dynasty 
Trapo sa masa'y di nagsisilbi
Pulos ayuda lang sa kakampi
Upang mabago ang nangyayari
Iboto natin si Ka Leody

Para Senador ng ating bansa 
Tiyak na siya'y may magagawa 
Sa isyu ng manggagawa 't dukha
Iboto ang Senador ng madla
Si Ka Leody de Guzman na nga!

- gregoriovbituinjr.
02.22.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/xVoYOxfcWS/ 

Martes, Pebrero 11, 2025

Larga masa

LARGA MASA

dapat matibay ang larga masa
upang mapanatag ang titira
sa tahanang itinayo nila
lumindol man, di madidisgrasya

ayon sa isang diksiyonaryo:
larga masa'y pinaghalong sukat
na dami ng buhangin, semento, 
graba't tubig, nang lalong tumibay

ang gusali't bahay na tinayo
o tulay at lansangang daanan
matibay pala ang larga masa
di lang ito para sa konstruksyon

pag lumarga ang mulat na masa
tutunguhin nila'y rebolusyon
may matibay na pagkakaisa
matatag na prinsipyo't pundasyon

tara, masa, tayo nang lumarga
baguhin ang bulok na sistema
ibagsak ang gahamang burgesya,
oligarkiya at dinastiya!

- gregoriovbituinjr.
02.12.2025

* larga masa - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.680

Huwebes, Pebrero 6, 2025

Pagpupugay kay Cong. Edcel Lagman

PAGPUPUGAY KAY CONG. EDCEL LAGMAN

isang taaskamaong pagpupugay
sa iyo ang aming iniaalay
sa tapat mong dedikasyon at husay
upang masa'y mapaglingkurang tunay

isa kang magaling na mambabatas
na kayrami nang naipasang batas:
ang makabuluhang Anti-Torture Act
pati Anti-Enforced Disappearance Act

ang Human Rights Victims Reparation
and Recognition Act, Responsible
Parenthood and Reproductive Health Act
at ibang mahahalagang batas

tulad mo'y isang matatag na muog
na di basta-basta nabubulabog
sa debate, talagang nandudurog
ng katunggaling matalino't subok

tulad mo'y agila sa himpapawid
puso'y bukas sa masa, di mapinid
kung magmaneho'y di tumatagilid
tulad sa Kongresong mensahe'y hatid

tulad mo'y tala sa gabing madilim
tinitingala sa diwang kaylalim
karapatang pantao'y itinanim
sa aklat at puso ng magigiting

tulad mo'y dakilang lider-obrero
na umalalay sa maraming kaso
ng manggagawang nakibakang todo
upang karapata'y maipanalo

maraming salamat, Ka Edcel Lagman
sa ambag sa bayan at karapatan
tunay kang mambabatas na uliran
at magandang halimbawa sa bayan

- gregoriovbituinjr.
02.06.2025

* kinatha ng makatang gala habang dumadalo ang mag-asawa sa parangal kay Ka Edcel sa Mt. Carmel, gabi, Pebrero 6, 2025

Sa ikadalawampu't apat na anibersaryo ng pagpaslang kay Ka Popoy

SA IKADALAWAMPU'T APAT NA ANIBERSARYO NG PAGPASLANG KAY KA POPOY

dalawampu't apat na taong singkad
katarungan pa rin ang hinahangad
sa pumaslang ba'y sinong maglalantad?
buong kwento ba'y sinong maglalahad?

bagamat karaniwang tao kami
na sa manggagawa ay nagsisilbi
tuloy ang pagkilos araw at gabi
ang bawat hakbang ay pinagbubuti

tulad din ni Ka Popoy, ipanalo
ang asam na lipunang makatao
na tinatawag naming sosyalismo
na mamumuno'y ang uring obrero

hustisya para kay Ka Popoy Lagman
ito'y adhika't ipinaglalaban
itatag nati'y pantay na lipunan
na walang mang-aapi at gahaman

- gregoriovbituinjr.
02.06.2025

* binasa ng makatang gala sa programa ng paggunita sa UP Bahay ng Alumni, hapon ng Pebrero 6, 2025

Martes, Pebrero 4, 2025

Ang sinumang bayani'y nagsimulang aktibista

ANG SINUMANG BAYANI'Y NAGSIMULANG AKTIBISTA

ang sinumang bayani'y nagsimulang aktibista
ipinaglaban ang kagalingan ng mamamayan
laban sa naghaharing burgesya't oligarkiya
ipinaglaban ang hustisya't paglaya ng bayan

di sila oo lang ng oo't tanggap ang tiwali
nais nilang maitama ang kalagayang mali
bawat pagpapasya nila'y pagbabakasakali
upang mabago lang ang sistemang nakamumuhi

kaapihan ng bayan ay nilarawan sa Noli
at Fili kaya namulat ni Rizal ang marami
dahil doon inakusahan siyang nagrebelde
sa Espanya, binaril sa Bagumbayan, bayani

pinangunahan ni Bonifacio ang Katipunan
at naitatag ang bansa nang sedula'y pinunit
na simula ng himagsikan tungong kalayaan
subalit siya'y pinaslang pati kanyang kapatid

ang misyon niya'y itinuloy ni Macario Sakay
kapanalig ng Katipunan, talagang mahusay
sumuko sa Kano para sa Asembliyang pakay
kasama si Lucio De Vega, sila ay binitay

si Jose Abad Santos, ayon sa kwento ng anak
ay naging tapat sa bayan, pinugutan ng Hapon
kayrami pang lumaban, gamit ma'y pluma o itak
aktibista silang paglaya ng bayan ang misyon

taospusong pagpupugay sa bawat aktibista
na lumaban sa pang-aapi't pagsasamantala
kumikilos upang itayo'y pantay na sistema
isang lipunang manggagawa, gobyerno ng masa

- gregoriovbituinjr.
02.05.2025

Lunes, Pebrero 3, 2025

Resign All!

RESIGN ALL!

dalawang pangunahing pinuno, panagutin!
nagbabalik sa alaala ang nakaraan
nang Resign All ay isinisigaw ng mariin
ng masang umaayaw na sa katiwalian

noon, tanda ko pa, patalsikin ang buwaya
papalit ang buwitre! kaya sigaw: Resign All!
ngayon, dalawang lider dulot sa masa'y dusa
ang dapat nang panagutin ng bayan: Resign All!

badyet para sa karapatan sa kalusugan
ay tinanggal umano, nilagay pang-ayuda
ng mga trapong nais manalo sa halalan
badyet ng bayan, ginapang daw ng dinastiya

pondong milyones, labing-isang araw lang ubos
pati confidential fund, di maipaliwanag
sa bayan kung paano ginamit at ginastos
bayan ba'y mananahimik lang? di ba papalag?

papayag pa ba tayong ganyan ang namumuno?
sa katiwalian na'y talamak at masahol
aba'y wakasan ang ganyang klaseng pamumuno
ay, ang sambayanan ba'y muling magpapabudol?

- gregoriovbituinjr.
02.03.2025

* litratong kuha ng makatang gala sa dinaluhang rali ng sambayanan sa Edsa noong Enero 31, 2025

Sabado, Pebrero 1, 2025

Paglutas sa suliranin ng bayan

PAGLUTAS SA SULIRANIN NG BAYAN

kayraming suliranin ng bayan
na dapat mabigyang kalutasan
kayraming masang nahihirapan
pagkatao pa'y niyuyurakan

habang bundat ay humahalakhak
trapong ganid ay indak ng indak
oligarkiya pa'y nanghahamak
dukha'y pinagagapang sa lusak

dinastiya'y dapat nang lipulin
lalo ang oligarkiyang sakim
pati trapong ang ngiti'y malagim
kaya lipunan ay nagdidilim

organisahin ang manggagawa
sila ang hukbong mapagpalaya
uri silang sa burgesya'y banta
ngunit kakampi ng kapwa dukha

ganyang sistema'y di na malunok
ang dukha'y di dapat laging lugmok
ibagsak ang mga nasa tuktok
baguhin na ang sistemang bulok

- gregoriovbituinjr.
02.02.2025