Linggo, Marso 30, 2025

Manggagawa ang lumikha ng pag-unlad

MANGGAGAWA ANG LUMIKHA NG PAG-UNLAD

habang lulan ng bus ay nakita ko
yaong mga nilikha ng obrero:
ang mga gusaling nagtatayugan
mga tulay, paaralan, lansangan

na pawang ginawa ng manggagawa
maging ng mga kontraktwal na dukha
lumikha ng gusali ng Senado,
Simbahan, Malakanyang at Kongreso

nasaan ang kanilang kinatawan
sa parlamento, sa pamahalaan
bakit pulitikal na dinastiya
yaong mga naluklok, at di sila

Manggagawa Naman! ang aming sigaw
obrerong nagpapawis buong araw
at gabi upang bayan ay umunlad
at bansa ay patuloy na umusad

upang masa'y di manatiling lugmok
upang mawala ang pinunong bugok
upang palitan ang sistemang bulok
sina Leody at Luke ay iluklok

- gregoriovbituinjr.
03.31.2025

#21 Ka Leody De Guzman para Senador
#25 Atty. Luke Espiritu para Senador

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/18pLAckmcr/ 

Lunes, Marso 24, 2025

Pagsusumikap

PAGSUSUMIKAP

kailangan ko ba ng inspirasyon
upang makamit ko ang nilalayon?
o dapat ko lamang pagsumikapan
ang pinapangarap ko kung anuman?

pampasigla nga ba ang inspirasyon?
paano kung wala? paano iyon?
marahil, mas kailangan ay pokus
upang kamtin ang pangarap mong lubos

sino bang inspirasyon ng makata?
upang samutsaring tula'y makatha
marahil nga'y may musa ng panitik
na ibinulong ay isasatitik

oo, nagsusumikap pa rin ako
bakasakaling magawa ko'y libro
ng tula, maikling kwento't sanaysay
o baka nobela'y makathang tunay

- gregoriovbituinjr.
03.24.2025

Thomas Edison: "Success is 10% inspiration and 90% perspiration."

Albert Einstein: "Genius is 1% inspiration and 99% perspiration."

Huwebes, Marso 20, 2025

Laban sa bugok at sistemang bulok

LABAN SA BUGOK AT SISTEMANG BULOK
(Alay sa World Poetry Day 2025)

ang pag-iral ng dinastiya'y kabulukan
ng sistemang sanhi ng laksang kahirapan
pagbalikwas laban dito'y dapat tuunan
ng pansin ng api't pinagsamantalahan

wala sa sinumang trapong bugok at bulok
ang tutubos sa ating bayang inilugmok
ng mga dinastiyang naupo sa tuktok
lalo't sa yaman ng bayan ay pawang hayok

halina't buksan yaring diwa, puso't taynga
at damhin ang sugat ng mga nagdurusa
dinggin ang tinig ng nakararaming masa:
dapat nang wakasan ang bulok na sistema!

ang tibak na Spartan ito'y nalilirip
habang samutsari yaong nasasaisip
masang naghihirap ay tiyaking mahagip
maging mulat sila't sa sistema'y masagip

- gregoriovbituinjr.
03.21.2025

Pagsali, pagsalin, pagsaling

PAGSALI, PAGSALIN, PAGSALING
(Alay sa World Poetry Day 2025)

nais kong sumali sa mga paligsahan
at sa madla'y ipakita ang kahusayan
sa palakasan man, spelling o takbuhan
bakasakaling may premyong mapanalunan

o pagsasalin ng akda'y trinatrabaho
aklat man, artikulo, pabula o kwento
munti mang bayad ay may ginhawang totoo
na makabubuhay naman sa pamilya mo

garapal na dinastiya'y dapat masaling
ng mamamayang bumalikwas na't nagising
mula sa kayhaba nilang pagkagupiling
habang burgesyang bundat ay pagiling-giling

pagsali, pagsalin, pagsaling ng makatâ
habang pinagsisilbi ang mga salitâ
ukol sa kapakanan ng mga dalitâ
nang sistemang bulok ay kanilang magibâ

- gregoriovbituinjr.
03.21.2025

Sa sakayan

SA SAKAYAN

alas-singko ng hapon, mahirap sumabay
sa mga nag-aabang na nais sumakay
ng dyip pauwi sa patutunguhang tunay
naglakad na lang ako habang nagninilay

maluwag pa pag alas-tres o alas-kwatro
at marami nang pauwi pag alas-singko
ang nakaupo sa dyip ay dulo sa dulo
kaypalad mo pag nakaupo kang totoo

ah, mabuti pa ngang ako'y maglakad-lakad
hinay-hinay lang at huwag bilisan agad
kahit tulad ng pagong, marahan, makupad
at sa paglubog niring araw ay mabilad

may paparating na dyip, sana'y di pa puno
pagkat lalakarin ko'y talagang malayo
kung walang dyip, maglakad kahit na mahapo
mahalaga'y marating kung saan patungo

- gregoriovbituinjr.
03.20.2025

Lunes, Marso 17, 2025

Kaygandang musika sa kampanya

KAYGANDANG MUSIKA SA KAMPANYA

habang sakay ng trak sa kampanya
dinig ko ang kaygandang musika
nag-aalab ang pakikibaka
upang hustisya'y kamtin ng masa

laban sa kuhila't mapang-api
laban sa oligarkiyang imbi
dinggin ang musika't sinasabi
sa Senado'y mayroong kakampi

sina Ka Leody't Attorney Luke
mga lider-manggagawang subok
sa Senado ay ating iluklok
upang palitan ang trapong bugok

Ka Leody at Luke Espiritu
magagaling na lider-obrero
kakampi ng masa sa Senado
kaya sila ay ating iboto

- gregoriovbituinjr.
03.17.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/v/19PFaTv1s4/ 
#21 Leody de Guzman
#25 Luke Espiritu

Sabado, Marso 15, 2025

Maralita para kina Ka Leody at Atty. Luke sa Senado

MARALITA PARA KINA KA LEODY AT ATTY. LUKE SA SENADO

kaming mga maralita'y para kina Ka Leody
de Guzman at Attorney Luke Espiritu sa Senado
sila ang totoo nating mga kasangga't kakampi
tungong kapakana't kagalingan ng dukha 't obrero

lalabanan nila ang salot na kontraktwalisasyon
lalo ang mga walang kabusugang kapitalista 
sila ang kasangga ng dukha laban sa demolisyon
silang kalaban ng mapang-api't mapagsamantala

lalo't nangingibabaw batas ng naghaharing uri
upang magkamal pa ng tubo 't manatili sa poder
hindi nila hahayaang maralita'y maduhagi
at titiyaking madurog ang oligarkiyang pader

babaguhin din nila ang patakarang mapang-api
na nakikinabang ay burgesya't elitistang bundat
didistrungkahin ang batas na dahilang masasabi
hinggil sa malayong agwat ng mayaman at mahirap

maipanalo sila sa Senado ang unang hakbang 
upang magkaroon ng kinatawan ang maralita
ang maipagwagi sila'y tagumpay ng sambayanan 
upang mga batas na pangmasa'y kanilang malikha 

- gregoriovbituinjr.
03.16.2025

Biyernes, Marso 14, 2025

alay, malay, malaya

ALAY, MALAY, MALAYA

inalay ko na yaring buhay
sa pagkilos para sa masa
at misyon ay ipagtagumpay
upang mabago ang sistema

inalay na ang buong galing
laban sa mapagsamantala
nang masa'y tuluyang magising
laban sa kuhila't burgesya

ang paglaya sa pang-aapi't
anumang pagsasamantala
ay prinsipyo naming sakbibi't
sa puso't diwa'y laging dala

mahalaga ngang maging malay
sa nangyayari sa paligid
kaya aming adhikang taglay
sa inyo'y dapat ipabatid

maging malaya sa kapital
malaya sa kapitalismo
itatayo, di magtatagal
yaong lipunang makatao

- gregoriovbituinjr.
03.15.2025

Buhay-pultaym

BUHAY-PULTAYM

oo, prinsipyo ang bumubuhay sa akin
di salapi, di datung, di pera, di atik
aktibistang Spartan pa rin hanggang ngayon
na kumikilos upang tuparin ang misyon

di ako nabubuhay upang kumain lang
kumakain ako upang mabuhay lamang
nakatuon pa ring tuparin ang adhikà
para sa maralita't uring manggagawà

di natapos ang B.S.Math sa kolehiyo
upang magpultaym at kumilos sa obrero
pasya'y pinag-isipan hanggang sa lumisan
doon sa apat na sulok ng paaralan

naglalakad upang sa pulong makarating
nag-ipon sa tibuyô upang may gastusin
binubuhay ng masang pinaglilingkuran
pamilya na'y bayan, ganyan ang buhay-pultaym

- gregoriovbituinjr.
03.14.2025

Sabado, Marso 8, 2025

Raliyista kanina, ngayon ay labandero

RALIYISTA KANINA, NGAYON AY LABANDERO

raliyista kanina, ngayon ay labandero
ganyan nga ang aktibistang Spartan tulad ko
matapos ang rali, may iba pang misyon tayo
may mga toka roon at may toka pa rito
bukod sa bayan, pamilya'y inaasikaso

kailangang maglaba, magkusot, at magbanlaw
saka naman isusunod yaong pagsasampay
mabuti kung iyon pa'y mainitan ng araw
kasama talaga ang paglalaba sa buhay
upang may suutin pag mainit o maginaw

pag natuyo naman, tuloy ang pakikibaka
para sa makataong lipunan at hustisya
may maayos tayong suot pagharap sa masa
may respeto sa atin ang inoorganisa
mapakitang marangal ang mga aktibista

- gregoriovbituinjr.
03.08.2025

Biyernes, Marso 7, 2025

Ngayon pong Araw ng Kababaihan

NGAYON PONG ARAW NG KABABAIHAN 

ngayon pong Araw ng Kababaihan 
ako'y taaskamaong nagpupugay
sa mga ilaw ng bawat tahanan
sa lahat ng lola at mga nanay

babae kayong nagluwal sa amin
nag-alaga, nagpasuso ng gatas
nagpalaki, nagmahal, nagpakain
gabay namin sa maayos na landas

kayo'y mga asawang iniibig
di sinasaktan pagkat minamahal
kayo ang kalahati ng daigdig
kayong sa mundo'y bumuhay, nagpagal

kayo'y lola, ina, tiya, kapatid,
pinsan, kaklase, katrabaho, mare,
kayong pag-ibig ang inihahatid
kayo'y Gabriela, Oriang, bayani

salamat po sa inyong sakripisyo
mula sinapupunan, nag-aruga
maraming salamat, nariyan kayo
na mga ginawa'y sadyang dakila

- gregoriovbituinjr.
03.08.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/v/1Gpe23Vv9k/ 

Sa Araw ng Kababaihan

SA ARAW NG KABABAIHAN

pakikiisa ko'y mahigpit
sa Araw ng Kababaihan
sasama ako't igigiit
kanilang mga karapatan

bukas ay dadalo sa rali
upang ipagdiwang ang Araw
ng magigiting na Babae
at sila rin ang bumubuhay

sa mamamayan ng daigdig
silang kalahati ng mundo
sila ang pusong nagpapintig
sa akin, sa masa, sa tao

lola, ina, tiya, kapatid,
asawa, kasintahan, guro,
sa bawat babae ang hatid
ko'y pagpupugay, buong-buo

at sa Dakilang Araw nila
kalalakiha'y kikilos din
kapitbisig at sama-sama
na lipunang ito'y baguhin

- gregoriovbituinjr.
03.07.2025

Huwebes, Marso 6, 2025

Pag-ambag ng dugo

PAG-AMBAG NG DUGO

bilang aktibista, nais kong makatulong
sa aking kapwa, kahit magbigay ng dugo
para sa nangangailangan, nilalayon
kong ang masa'y maging malusog, di tuliro

makapag-ambag ng dugo'y magandang gawâ
di lang pulos pakikibaka sa kalsada
malaking tulong sa karaniwan mang dukhâ
lalo na't dugo pala'y kailangan nila

simpleng gawa, simpleng misyon sa sambayanan
kaya nang sa Farmers, Cubao ay makita ko 
na may Blood Donation Drive ay nagkusa naman
bilang tibak ako'y agad nagboluntaryo

upang sa sinuman dugo ko'y maisalin
dahil saksi ako sa aking misis noon
sa ospital, sa unang araw pa lang namin
dugong tatlong bag sinalin kay misis doon

kaya pagbibigay ng dugo'y naidagdag
sa aking misyon dito sa mundong ibabaw
kaysarap sa pakiramdam na may naambag
sa kapwa upang makapagdagdag ng búhay

- gregoriovbituinjr.
03.06.2025

* litratong kuha sa Blood Extraction Area ng Philippine Red Cross QC Chapter sa Farmer, Cubao, Marso 6, 2025

Miyerkules, Marso 5, 2025

Ang dapat maluklok

ANG DAPAT MALUKLOK

katatapos lang ng bayan sa paggunitâ
sa anibersaryo ng Pag-aalsang Edsa
isang aral na nakita ko'y maging handâ
kung sakali mang mag-alsa muli ang masa

napagnilayan ko ang uring manggagawà,
maralita, kababaihan, magsasaka
mga inang dahil sa tokhang lumuluhà
ay, paano ba babaguhin ang sistema

kung ang Pag-aalsang Edsa'y muling mangyari
dapat dahil sa pagbabagong ating mithi
dahil ang mapagsamantala't mapang-api
ay dapat mawala't di na makapaghari

wasto lang na tunguhin nati'y tamang landas
kung saan wawakasan ang sistemang bulok
itatag natin ang isang lipunang patas
at mula uring manggagawa ang iluklok

- gregoriovbituinjr.
03.06.2025

Martes, Marso 4, 2025

Suot ang bota kapag namatay

SUOT ANG BOTA KAPAG NAMATAY

kung sakali mang ako'y matsugi
nais kong tangan pa rin ang mithi
na magwagi ang mga kauri
na baguhin ang sistemang imbi

di ang mamatay sa katandaan
di ang maratay sa karamdaman
mas nais kong mamatay sa laban
tungong pagbabago ng lipunan

may isang popular na idiom
sabi'y "I'd like to die with my boots on."
iyan din ang aking nasa't layon
hanggang maipagwagi ang misyon

mamatay sa misyon ay kaytamis
isang halimbawa ay kaparis
ng pagkapaslang kay Archimedes
na isang mathematician sa Greece

ito ako, karaniwang tao
kapiling ng masa at obrero
tagumpay sana'y masilayan ko
habang naririto pa sa mundo

- gregoriovbituinjr.
03.05.2025

* mula sa Wikipedia: "To "Die with your boots on" is an idiom referring to dying while fighting or to die while actively occupied/employed/working or in the middle of some action. A person who dies with their boots on keeps working to the end, as in "He'll never quit—he'll die with his boots on." The implication here is that they die while living their life as usual, and not of old age and being bedridden with illness, infirmity, etc."

Lunes, Marso 3, 2025

Sa pagtatagumpay

SA PAGTATAGUMPAY

maraming dapat gawin upang magtagumpay
sa ating buhay, sa bahay, sa hanapbuhay
anumang suliranin ang nakabalatay
ay malalampasan kapag tayo'y nagsikhay

ang buhay nati'y di pulos laban at galit
dahil sa mga karapatang pinagkait
dahil binubusabos na ang maliliit
kundi mayroon ding panahon ng pag-awit

buhay ay punong-puno ng pakikibaka
lalo na't hanap ay panlipunang hustisya
paano wakasan ang mga dinastiya
na isang dahilan ng bulok na sistema

magtatagumpay lang tayo sa minimithi
kung sama-samang kikilos ang ating uri
upang wakasan na ang sangkaterbang hikbi
dahil sa kagagawan ng kuhila't imbi

- gregoriovbituinjr.
03.03.2025

Esensya

ESENSYA

matagal ko nang itinakwil ang sarili
upang sa uri at sa bayan ay magsilbi
lalo na't ayokong maging makasarili
sapagkat buhay iyong di kawili-wili

mabuti pa ngang magsilbi tayo sa masa
magsilbi sa maliliit, di sa burgesya
labanan ang mga kuhila't dinastiya
kahulugan ng buhay ay doon nakita

esensya ng buhay tuwina'y nalilirip
kapiling ng masa't dukhang dapat masagip
mula sa hirap, ginhawa ba'y panaginip?
tibak na tulad ko'y kayraming nasa isip

uring manggagawa, hukbong mapagpalaya
ang laging isinisigaw ng aking diwa
manggagawa't magsasaka ang mapagpala
na sana'y magtagumpay sa inaadhika

- gregoriovbituinjr.
03.03.2025

Martes, Pebrero 25, 2025

Isang aral ng Edsa ang sama-samang pagkilos

ISANG ARAL NG EDSA ANG SAMA-SAMANG PAGKILOS

buhay ang sama-samang pagkilos ng sambayanan
buhay ang Edsa sa atin, sa diwa't kalooban
aral ng sama-samang pagkilos ay kailangan
upang mabago ang bulok na sistema't lipunan

sobra na ang pamumuno ng burgesyang kuhila
wakasan ang dinastiyang pulitikal sa bansa
asahan na natin ang alternatibo ng madla
ang uring manggagawa, ang hukbong mapagpalaya

isang aral ng Edsa ang sama-samang pagkilos
ng magkakauri upang kabuluka'y matapos
wakasan ang pagsasamantala't pambubusabos
ng mga elitista sa uring naghihikahos

wakasan ang pamamayagpag ng oligarkiya,
ng kapitalista, ng asendero, elitista
O, Bayan ko, wakasan na ang bulok na sistema!
at sama-samang itayo ang gobyerno ng masa!

- gregoriovbituinjr.
02.25.2025

* litratong kuha malapit sa People Power Monument habang ginugunita ang ika-39 na anibersaryo ng Unang Pag-aalsang Edsa

Pagbigkas ng tula sa People Power Monument

PAGBIGKAS NG TULA SA PEOPLE POWER MONUMENT

Ikalima ng hapon, sa harap ng People Power Monument, kasabay ng pagkilos ng mamamayan sa paggunita sa ika-39 na anibersaryo ng Unang Pag-aalsang Edsa, Pebrero 25,  2025, ay nag-bidyo-selfie ang makatang gala sa pagbigkas ng kanyang inihandang tula:

POSITIBO'T NEGATIBONG ARAL NG EDSA 1986

kasama ko si Dad sa unang pag-aalsang Edsa
pati na mga tagasimbahang kagrupo niya
dinala'y laksang pandesal na pinamigay nila
sa makitang tao sa Edsa na nakikiisa

iyon nga'y malaking kaganapan sa kasaysayan
na kung ating aaralin ay sadyang katunayan
na kung magkakaisa talaga ang mamamayan
kayang magpatalsik ng diktador sa ating bayan

sa panahong iyon, talagang masaya ang madla
subalit nang lumayas na ang diktador sa bansa
ang sabi'y pangako ng Edsa'y tuluyang nawala
sa gobyerno'y di nakapwesto ang obrero't dukha

pag-aalsa iyong buong mundo na ang pumuri
ngunit pumalit, mula rin sa naghaharing uri
kaya di pa rin natupad ang pangarap na mithi
palitan ang bulok na sistemang kamuhi-muhi

isa iyong malaking aral na dapat manilay
sa sama-samang pagkilos ay kakayaning tunay
na baguhin ang sistema't makamit ang tagumpay
huwag lang sa di kauri ang panalo'y ibigay

- gregoriovbituinjr.
02.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/xZmFIKOOO

Lunes, Pebrero 24, 2025

Positibo't negatibong aral ng EDSA 1986

POSITIBO'T NEGATIBONG ARAL NG EDSA 1986

kasama ko si Dad sa unang pag-aalsang Edsa
pati na mga tagasimbahang kagrupo niya
dinala'y laksang pandesal na pinamigay nila
sa makitang tao sa Edsa na nakikiisa

iyon nga'y malaking kaganapan sa kasaysayan
na kung ating aaralin ay sadyang katunayan
na kung magkakaisa talaga ang mamamayan
kayang magpatalsik ng diktador sa ating bayan

sa panahong iyon, talagang masaya ang madla
subalit nang lumayas na ang diktador sa bansa
ang sabi'y pangako ng Edsa'y tuluyang nawala
sa gobyerno'y di nakapwesto ang obrero't dukha

pag-aalsa iyong buong mundo na ang pumuri
ngunit pumalit, mula rin sa naghaharing uri
kaya di pa rin natupad ang pangarap na mithi
palitan ang bulok na sistemang kamuhi-muhi

isa iyong malaking aral na dapat manilay
sa sama-samang pagkilos ay kakayaning tunay
na baguhin ang sistema't makamit ang tagumpay
huwag lang sa di kauri ang panalo'y ibigay

- gregoriovbituinjr.
02.25.2025

* litrato mula sa google

P5 dagdag pasahe sa dyip, grabe

P5 DAGDAG PASAHE SA DYIP, GRABE

tataas ang pamasahe
di tumataas ang sahod
makikinabang ang tsuper
dagdag-hirap sa komyuter

ang limang piso'y di barya
lalo't mahirap ang tao
na sadyang pinagkakasya
ang kakarampot na sweldo

kauna-unawa naman
na ang pagtaas ng presyo
ng langis at gasolina
ay sadyang di mapigilan

may Oil Deregulation Law
na bahala ang negosyo
kaya pagtaas ng presyo
di mapigil ng gobyerno

nagtataasan ang lahat
maliban sa sahod nila
kailan ba mamumulat
na baguhin ang sistema

- gregoriovbituinjr.
02.24.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 20, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Sabado, Pebrero 22, 2025

Tatawirin ko kahit pitong bundok

TATAWIRIN KO KAHIT PITONG BUNDOK

tatawirin ko kahit pitong bundok
upang sa sinta'y mapatunayan ko
na siya ang sa puso'y tinitibok
nang tamaan ng pana ni Kupido

tatawirin ko kahit pitong bundok
upang patunayan lamang sa masa
na nagsisikap abutin ang tuktok
na kakamtin din nila ang hustisya

tatawirin ko kahit pitong bundok
bilang patunay sa obrero't dukha
na sila'y totoong lider na subok
na magbabago sa takbo ng bansa

tatawirin ko kahit pitong bundok
upang sa kababaihan patunay
na aking madalas na naaarok
sila'y pawang lider na mahuhusay

tatawirin ko kahit pitong bundok
upang patunayan sa mga api
na sila'y di lagi na lang yukayok
kundi giginhawa rin at bubuti

tatawirin ko kahit pitong bundok
na sistemang bulok pala'y titirik
kung sama-sama nating matatarok
na kailangan palang maghimagsik

- gregoriovbituinjr.
02.23.2025

Look Forward tayo kay Attorney Luke

Look Forward tayo kay Attorney Luke
Lider-manggagawa siyang subok
Sa Senado ay ating iluklok
Lalo 't sistema'y di na malunok

Iboto natin, Luke Espiritu
Na dapat maupo sa Senado
Siya ang kailangan, Bayan ko
Tungo sa tunay na pagbabago!

- gregoriovbituinjr.
02.22.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/xVuJe1tdSQ/

Dahil sa political dynasty

Dahil sa political dynasty 
Trapo sa masa'y di nagsisilbi
Pulos ayuda lang sa kakampi
Upang mabago ang nangyayari
Iboto natin si Ka Leody

Para Senador ng ating bansa 
Tiyak na siya'y may magagawa 
Sa isyu ng manggagawa 't dukha
Iboto ang Senador ng madla
Si Ka Leody de Guzman na nga!

- gregoriovbituinjr.
02.22.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/xVoYOxfcWS/ 

Martes, Pebrero 11, 2025

Larga masa

LARGA MASA

dapat matibay ang larga masa
upang mapanatag ang titira
sa tahanang itinayo nila
lumindol man, di madidisgrasya

ayon sa isang diksiyonaryo:
larga masa'y pinaghalong sukat
na dami ng buhangin, semento, 
graba't tubig, nang lalong tumibay

ang gusali't bahay na tinayo
o tulay at lansangang daanan
matibay pala ang larga masa
di lang ito para sa konstruksyon

pag lumarga ang mulat na masa
tutunguhin nila'y rebolusyon
may matibay na pagkakaisa
matatag na prinsipyo't pundasyon

tara, masa, tayo nang lumarga
baguhin ang bulok na sistema
ibagsak ang gahamang burgesya,
oligarkiya at dinastiya!

- gregoriovbituinjr.
02.12.2025

* larga masa - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.680

Huwebes, Pebrero 6, 2025

Pagpupugay kay Cong. Edcel Lagman

PAGPUPUGAY KAY CONG. EDCEL LAGMAN

isang taaskamaong pagpupugay
sa iyo ang aming iniaalay
sa tapat mong dedikasyon at husay
upang masa'y mapaglingkurang tunay

isa kang magaling na mambabatas
na kayrami nang naipasang batas:
ang makabuluhang Anti-Torture Act
pati Anti-Enforced Disappearance Act

ang Human Rights Victims Reparation
and Recognition Act, Responsible
Parenthood and Reproductive Health Act
at ibang mahahalagang batas

tulad mo'y isang matatag na muog
na di basta-basta nabubulabog
sa debate, talagang nandudurog
ng katunggaling matalino't subok

tulad mo'y agila sa himpapawid
puso'y bukas sa masa, di mapinid
kung magmaneho'y di tumatagilid
tulad sa Kongresong mensahe'y hatid

tulad mo'y tala sa gabing madilim
tinitingala sa diwang kaylalim
karapatang pantao'y itinanim
sa aklat at puso ng magigiting

tulad mo'y dakilang lider-obrero
na umalalay sa maraming kaso
ng manggagawang nakibakang todo
upang karapata'y maipanalo

maraming salamat, Ka Edcel Lagman
sa ambag sa bayan at karapatan
tunay kang mambabatas na uliran
at magandang halimbawa sa bayan

- gregoriovbituinjr.
02.06.2025

* kinatha ng makatang gala habang dumadalo ang mag-asawa sa parangal kay Ka Edcel sa Mt. Carmel, gabi, Pebrero 6, 2025

Sa ikadalawampu't apat na anibersaryo ng pagpaslang kay Ka Popoy

SA IKADALAWAMPU'T APAT NA ANIBERSARYO NG PAGPASLANG KAY KA POPOY

dalawampu't apat na taong singkad
katarungan pa rin ang hinahangad
sa pumaslang ba'y sinong maglalantad?
buong kwento ba'y sinong maglalahad?

bagamat karaniwang tao kami
na sa manggagawa ay nagsisilbi
tuloy ang pagkilos araw at gabi
ang bawat hakbang ay pinagbubuti

tulad din ni Ka Popoy, ipanalo
ang asam na lipunang makatao
na tinatawag naming sosyalismo
na mamumuno'y ang uring obrero

hustisya para kay Ka Popoy Lagman
ito'y adhika't ipinaglalaban
itatag nati'y pantay na lipunan
na walang mang-aapi at gahaman

- gregoriovbituinjr.
02.06.2025

* binasa ng makatang gala sa programa ng paggunita sa UP Bahay ng Alumni, hapon ng Pebrero 6, 2025

Martes, Pebrero 4, 2025

Ang sinumang bayani'y nagsimulang aktibista

ANG SINUMANG BAYANI'Y NAGSIMULANG AKTIBISTA

ang sinumang bayani'y nagsimulang aktibista
ipinaglaban ang kagalingan ng mamamayan
laban sa naghaharing burgesya't oligarkiya
ipinaglaban ang hustisya't paglaya ng bayan

di sila oo lang ng oo't tanggap ang tiwali
nais nilang maitama ang kalagayang mali
bawat pagpapasya nila'y pagbabakasakali
upang mabago lang ang sistemang nakamumuhi

kaapihan ng bayan ay nilarawan sa Noli
at Fili kaya namulat ni Rizal ang marami
dahil doon inakusahan siyang nagrebelde
sa Espanya, binaril sa Bagumbayan, bayani

pinangunahan ni Bonifacio ang Katipunan
at naitatag ang bansa nang sedula'y pinunit
na simula ng himagsikan tungong kalayaan
subalit siya'y pinaslang pati kanyang kapatid

ang misyon niya'y itinuloy ni Macario Sakay
kapanalig ng Katipunan, talagang mahusay
sumuko sa Kano para sa Asembliyang pakay
kasama si Lucio De Vega, sila ay binitay

si Jose Abad Santos, ayon sa kwento ng anak
ay naging tapat sa bayan, pinugutan ng Hapon
kayrami pang lumaban, gamit ma'y pluma o itak
aktibista silang paglaya ng bayan ang misyon

taospusong pagpupugay sa bawat aktibista
na lumaban sa pang-aapi't pagsasamantala
kumikilos upang itayo'y pantay na sistema
isang lipunang manggagawa, gobyerno ng masa

- gregoriovbituinjr.
02.05.2025

Lunes, Pebrero 3, 2025

Resign All!

RESIGN ALL!

dalawang pangunahing pinuno, panagutin!
nagbabalik sa alaala ang nakaraan
nang Resign All ay isinisigaw ng mariin
ng masang umaayaw na sa katiwalian

noon, tanda ko pa, patalsikin ang buwaya
papalit ang buwitre! kaya sigaw: Resign All!
ngayon, dalawang lider dulot sa masa'y dusa
ang dapat nang panagutin ng bayan: Resign All!

badyet para sa karapatan sa kalusugan
ay tinanggal umano, nilagay pang-ayuda
ng mga trapong nais manalo sa halalan
badyet ng bayan, ginapang daw ng dinastiya

pondong milyones, labing-isang araw lang ubos
pati confidential fund, di maipaliwanag
sa bayan kung paano ginamit at ginastos
bayan ba'y mananahimik lang? di ba papalag?

papayag pa ba tayong ganyan ang namumuno?
sa katiwalian na'y talamak at masahol
aba'y wakasan ang ganyang klaseng pamumuno
ay, ang sambayanan ba'y muling magpapabudol?

- gregoriovbituinjr.
02.03.2025

* litratong kuha ng makatang gala sa dinaluhang rali ng sambayanan sa Edsa noong Enero 31, 2025

Sabado, Pebrero 1, 2025

Paglutas sa suliranin ng bayan

PAGLUTAS SA SULIRANIN NG BAYAN

kayraming suliranin ng bayan
na dapat mabigyang kalutasan
kayraming masang nahihirapan
pagkatao pa'y niyuyurakan

habang bundat ay humahalakhak
trapong ganid ay indak ng indak
oligarkiya pa'y nanghahamak
dukha'y pinagagapang sa lusak

dinastiya'y dapat nang lipulin
lalo ang oligarkiyang sakim
pati trapong ang ngiti'y malagim
kaya lipunan ay nagdidilim

organisahin ang manggagawa
sila ang hukbong mapagpalaya
uri silang sa burgesya'y banta
ngunit kakampi ng kapwa dukha

ganyang sistema'y di na malunok
ang dukha'y di dapat laging lugmok
ibagsak ang mga nasa tuktok
baguhin na ang sistemang bulok

- gregoriovbituinjr.
02.02.2025

Huwebes, Enero 30, 2025

Mga kasabihan sa buhay

MGA KASABIHAN SA BUHAY

bawat suliranin / ay may kalutasan
at bawat pagsubok / ay may kasagutan
basta matuto lang / tayong makilaban
sa sinumang puno / ng katiwalian

ating kaakibat / ang pakikibaka
nang mabago iyang / bulok na sistema
sa ating pagbaka'y / dapat wakasan na
iyang pang-aapi'y / pagsasamantala

may karapatan din / kahit maralita
dukha man, di dapat / na kinakawawa
kung maluklok natin / iyang manggagawa
may pagbabago na't / uunlad ang bansa

mandarayang trapo'y / indak lang ng indak
bundat na burgesya'y / panay ang halakhak
habang karaniwang / tao'y hinahamak
ng trapo't kuhilang / dapat lang ibagsak

- gregoriovbituinjr.
01.31.2025