Sabado, Setyembre 14, 2024

Sa ikatatlumpu't isang anibersaryo ng BMP

SA IKA-31 ANIBERSARYO NG BMP

bumabating taospuso't taas-kamao
sa ikatatlumpu't isang anibersaryo
ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino
tuloy ang laban, kasama, mabuhay kayo!

magpatuloy tayo sa misyon at adhika
na pagkaisahin ang uring manggagawa
kumikilos tayo sa layuning dakila
na bulok na sistema'y wakasan nang sadya

pangarap na sistema'y walang hari't pari
walang tusong kapitalista't naghahari
di na iiral ang pribadong pag-aari
na dahilan ng pagkaapi nitong uri

sulong, itayo ang sosyalistang lipunan
na walang elitista't burgesyang gahaman
lipunang walang pinagsasamantalahan
at umiiral sa bansa ang katarungan

- gregoriovbituinjr.
09.14.2024

Sabado, Setyembre 7, 2024

Nais ko'y kalayaan

NAIS KO'Y KALAYAAN

nais ko'y kalayaan
ng bayan, uri't masa
laban sa kaapihan
at pagsasamantala
ng kuhila, gahaman
at tiwaling burgesya
ang aming panawagan:
baguhin ang sistema

aming pinapangarap
ang paglaya ng tao
laban sa pagpapanggap
ng dinastiya't trapo
pinairal nang ganap
negosyo, di serbisyo
silang di nililingap
ang dalita't obrero

nais ko'y kalayaan
ng uring manggagawa
palayain ang bayan
lalo ang mga dukha

- gregoriovbituinjr.
09.07.2024