Miyerkules, Hulyo 31, 2024

Upang magwakas ang kahirapan

UPANG MAGWAKAS ANG KAHIRAPAN

"But kings and mightiest potentates must die,
for that's the end of human misery."
~ from Henry VI, by William Shakespeare

sinulat na noon ni Shakespeare ang katotohanan
dapat elistista't burgesya'y mawalang tuluyan
nang magwakas ang pagsasamantala't kaapihan
na dinaranas ng sinuman at ng aping bayan

aniya, patayin ang mga trapo, hari't pari
silang nagpapasasa sa pribadong pag-aari
silang dahilan ng hirap ng inaaping uri
silang mapagsamantala'y sadyang kamuhi-muhi

ngunit may batas silang mga mapagsamantala
korte, senado, kongreso, pulis, ay kontrol nila
pati iyang simbahan, paaralan, at masmidya
upang mamamayang inaapi ay di mag-alsa

kaya dapat tayong kumilos tungong rebolusyon
upang mapagsamantalang uri'y mawala ngayon
kung nais nating mawala ang kahirapang iyon
dapat tigpasin ang ulo ng naghaharing leyon

baligtarin ang tatsulok, kalusin silang todo
salamat, William Shakespeare, at nauunawaan mo
gamit ang panitikan, sinulat mo ang totoo
kaya tulad kong makata sa iyo ay saludo

- gregoriovbituinjr.
08.01.2024

Lunes, Hulyo 22, 2024

Pagpupugay sa pagwawagayway

PAGPUPUGAY SA PAGWAWAGAYWAY

isang karangalang mabidyuhan
ang pagwawagayway ng bandila
ng samutsaring mga samahan,
ng guro, obrero, masa, dukha

na ginawan ko ng pagpupugay
at tulang makabagbag-damdamin
sumusuot sa kalamnang taglay
at yaring puso'y papag-alabin

binanggit ng tagapagsalita
sa rali yaong mga pangalan
ng mga samahang ang adhika
itayo'y makataong lipunan

sa kanila, mabuhay! MABUHAY!
iyan ang tangi kong masasabi
taaskamao pong pagpupugay
sapagkat sa masa'y nagsisilbi

mabuhay kayo, mga kasama!
kayong tunay naming inspirasyon
para sa karapatan, hustisya
at lipunan nating nilalayon

- gregoriovbituinjr.
07.23.2024

* bidyong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa SONA, 07.22.2024

^ ang bidyo ay mapapanood sa: https://www.facebook.com/reel/1143756510213675

Biyernes, Hulyo 5, 2024

Ang esensya ng buhay

ANG ESENSYA NG BUHAY

anong esensya ng buhay? / bakit ako aktibista?
ang pagpapayaman nga ba / sa buhay itong esensya?
maging makapangyarihan / sa bansa't sa pulitika?
esensya na ba ng buhay / pag marami ka nang pera?

ako'y naging aktibistang / may prinsipyong tinataglay
sapagkat sa nangyayari / sa mundo'y di mapalagay
adhika kong makatulong / sa nahihirapang tunay
sa ganyan ko nakikita / ang esensya ko sa buhay

kahit gaano karami / ang yaman ko't pag-aari
kung nakuha ko lang ito / sa paggawa ng tiwali
sinayang ko ang buhay kong / sira ang dangal o puri
na nabubuhay sa mali't / sa tanang pagkukunwari

aanhin kong nakatira / sa mansyon man o palasyo
kung kapwa ko maralita'y / hinahamak pa ring todo
kung kapwa ko manggagawa'y / lagi nang iniinsulto
habang wala akong kibo / na dapat kumibo ako

ako'y pipikit na lang bang / marami'y kinakawawa
alam kong may inaapi 'y / di na lang magsasalita
anong klaseng tao ako / na kapwa'y binalewala
di ako paparis diyan / sa mga tuso't kuhila

kaya ako aktibista / dahil dito ko nagagap
ang esensya nitong buhay / at sa lipunang pangarap
may pagkakapantay-pantay, / bawat isa'y lumilingap
na tumutulong sa kapwa / at di lilo't mapagpanggap

subalit di kawanggawa / ang adhika kong pagtulong
kundi bulok na sistema'y / nagkakaisang ibaon
sa hukay ng mga gutom / at sama-samang ituon
ang lakas sa pagtatayo / ng lipunang sinusulong

- gregoriovbituinjr.
07.05.2024

Huwebes, Hulyo 4, 2024

Ang tatak sa poloshirt

ANG TATAK SA POLOSHIRT

"Nagkakaisang Lakas"
ay "Tagumpay ng Lahat!"
sa poloshirt ay tatak
ito'y nakagaganyak

upang ako'y kumilos
kahit madalas kapos
sa buhay na hikahos
naghahandang makalos

ang bulok na sistema
habang inaasam na'y
panlipunang hustisya
para sa aping masa

gabay na't inspirasyon
sa pagkilos ko't layon
ang natatak na iyon
upang tupdin ang misyon

- gregoriovbituinjr.
07.05.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos tungong Mendiola, 06.12.24