Huwebes, Hunyo 8, 2023

Sa sama-samang pagkilos magtatagumpay

SA SAMA-SAMANG PAGKILOS MAGTATAGUMPAY

di ako naghihintay sa sinumang manunubos
na di darating, laksa-laksa ang naghihikahos
na obrero't masang patuloy na binubusabos
katubusan nila'y mula sama-samang pagkilos

sagipin ang uri mula sa pagsasamantala
ng uring kapitalista, elitista, burgesya
mamatay man ako'y may patuloy na mag-aalsa
hangga't may tusong mang-aapi't bulok ang sistema

walang Superman, Batman, Robin, o iisang tao
ang tutubos sa aping uri kundi kolektibo
nilang pagkilos upang pangarap ay ipanalo
maitayo ang asam na lipunang makatao

O, manggagawa't dukha, ngayon ang tamang panahon
upang magkaisang iguhit sa historya ngayon
ang pagbaka't maipagwagi ang lipunang layon
pag watak-watak tayo'y di natin kakamtin iyon

huwag umasa sa manunubos na di darating
na may mahikang lahat tayo'y biglang sasagipin
tanging asahan ay sama-samang pagkilos natin
bilang uri upang makataong sistema'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
06.08.2023

Martes, Hunyo 6, 2023

Mabuhay ang mga migranteng manggagawa!

MABUHAY ANG MGA MIGRANTENG MANGGAGAWA!

tinaguriang bayani dahil nagsakripisyo
pamilya'y iniwanan upang makapagtrabaho
ng kung ilang taon sa malayong bansa dumayo
kahit na ma-homesick ay nagsisikap umasenso

nangibang-bayan na't kulang ang trabaho sa bansa
kayraming nilang nagtrabaho para sa banyaga
sa maraming bayan sa kanluran, timog, hilaga
habang iniwanang tiwangwang ang tigang na lupa

huwag lang sa illegal recruiter ay magpaloko
ibinenta ang kalabaw upang ipambayad mo
sa samutsaring papeles o mga dokumento
dito pa lang, nagsakripisyo na silang totoo

lumipat ng lugar nang makapagtrabaho roon
o kaya'y upang sila'y manirahan na rin doon
magandang bukas ang hinahanap ng mga iyon
kaginhawahan ng pamilya ang kanilang layon

oo, magandang buhay ang malimit sinasabi
na marahil di maranasan sa bansang sarili
kaya ang mga migrante ba'y ating masisisi
kung sa ibang bansa na'y naakit sila't pumirmi

pumirmi nang pansamantala o panghabambuhay
pasiya nila iyang di mapipigilang tunay
O, migrante, kami po'y taospusong nagpupugay!
sana, sakripisyo ninyo'y magbunga ng tagumpay!

- gregoriovbituinjr.
06.07.2023

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 7, 2023, pahina 5