Martes, Enero 31, 2023

Pagkilos

PAGKILOS

ako'y makatang laban sa pribadong pag-aari
ng kagamitan sa produksyon ng mapang-aglahi
sa sistemang kapitalismo't masasamang budhi
kumilos upang madurog ang naghaharing uri

pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan
at sanhi rin ng pagsasamantala't kaapihan
dapat nang tanggalin iyan sa kamay ng iilan
nang maging pag-aari iyan ng buong lipunan

pagkakapantay sa lipunan ang panawagan ko
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
adhika'y pakikipagkapwa't pagpapakatao
at ilagay sa tuktok ang dukha't uring obrero

sinasabuhay ko ang prinsipyong iyan at mithi
ayokong maging kaisa ng mapang-aping uri
pag ako'y nagkaroon ng pribadong pag-aari
lagyan ako ng tingga sa ulo, kung maaari

di iyan pakiusap, iyan ay katalagahan
dahil lumaban sa mapagsamantala't gahaman
iyan ako, ako'y iyan, para sa uri't bayan
taasnoo akong kikilos hanggang kamatayan

- gregoriovbituinjr.
01.31.2023

Biyernes, Enero 27, 2023

Kauri

KAURI

isa akong manggagawa noon, inyong kauri
na tagagawa ng floppy disc, Hapon ang may-ari
sa kumpanyang PECCO ang pinag-ugatan ng binhi
sa pagkamanggagawa'y doon nagmula ang mithi

ngala'y Precision Engineered Components Corporation
sa Alabang, at machine operator ako roon
unang trabaho, talubata pa lang ako noong
taon nang isinabatas ang kontraktwalisasyon

tatlong taon doon, nag-resign, umalis, nag-aral
sa kolehiyo ay naging aktibistang marangal
kalahati ng buhay sa aktibismo nagtagal
tatlong dekada nang ang kauri'y itinatanghal

niyakap ko ang prinsipyo ng pagpapakatao
ang Kartilya ng Katipunan ay sinusunod ko
niyakap ang makauri't sosyalistang prinsipyo
nang lipunang makatao'y itayo ng obrero

sulong, kauri, kamanggagawa, tuloy ang laban
bakahin ang mga mapagsamantala't gahaman
upang kamtin ng bayan ang hustisyang panlipunan
at itayo ang asam na makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
01.28.2023

* isinulat sa unang araw ng ika-9 na Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa Lungsod ng Baguio, Enero 28-29, 2023

Lunes, Enero 2, 2023

Igalang ang karapatang mag-unyon

IGALANG ANG KARAPATANG MAG-UNYON

igalang ang karapatang mag-unyon
ito'y nasusulat sa Konstitusyon
karapatang niyurak hanggang ngayon
ng mga dorobo't bundat na leyon

ito'y taal na karapatan natin
bilang obrero't sahurang alipin
bakit ipinagkakait sa atin?
ang karapatang dapat nating angkin?

bakit kailangan pang ipaglaban?
kung ito'y sadya nating karapatan?
di lamang may-ari ng pagawaan
at negosyante ang may karapatan

na pulos tubo lang ang nasa diwa
ngunit walang puso sa manggagawa
yaman lang nila ang dinadakila
habang obrero nila'y dusa't luha

ah, panahon nang sistema'y makalos
ng obrerong sama-samang kikilos
pagkat sila lang ang tanging tutubos
sa kanilang kalagayang hikahos

- gregoriovbituinjr.
01.03.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa harap ng DOLE, 11.21.2022