Miyerkules, Disyembre 28, 2022

Tsapa

TSAPA

pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan
sa produksyon ang talagang ugat ng kahirapan
iyan lang ang tsapa ng may-ari ng pagawaan
upang obrero'y maapi't mapagsamantalahan

dapat itong mapagtanto ng manggagawa't dukha
upang pagsasamantala'y tuluyan nang mawala
upang sila'y magsikilos sa layuning dakila:
ang itayo ang lipunan ng uring manggagawa

- gregoriovbituinjr.
12.28.2022

* litrato mula sa google

Lunes, Disyembre 12, 2022

Habambuhay na mithi

HABAMBUHAY NA MITHI

di magmamaliw ang habambuhay na mithi
upang mapawi ang pribadong pag-aari
na pang-aapi't pagsasamantala'y sanhi
kahit karapatang pantao'y napalungi

dapat bawiin ang dignidad ng paggawa
sa kapitalismo'y huwag nang magparaya
dapat walang pribadong pag-aari, wala
nang walang ganid sa salapi, dusa't luha

dapat walang pag-aari, walang gahaman
at nang-aapi dahil sa kanilang yaman
dapat igalang ang pantaong karapatan
ng lahat, kahit dukha, di ng iilan lang

dapat ay walang nagmamay-ari ng lupa,
o gamit sa produksyon sa anumang bansa
dapat lang pamahalaan ito ng tama
upang walang nagsasamantalang kuhila

ah, darating din ang panahong mapapawi
iyang lahat ng pribadong pagmamay-ari
kung obrero'y magkakaisa bilang uri
upang itayo ang lipunang minimithi

- gregoriovbituinjr.
12.12.2022

Biyernes, Disyembre 9, 2022

Prinsipyo

PRINSIPYO

tangan ko sa puso'y adhika
niring hukbong mapagpalaya
silang kamay na pinagpala
silang nagpaunlad ng bansa
sila ang uring manggagawa

matagal na silang siphayo
magkaisa na silang lalo
nang kapitalismo'y masugpo
sistemang bulok ay igupo
nang lipunan nila'y itayo

makamanggagawang lipunan
may paggalang sa karapatan
sistemang wala nang gahaman
at kamtin ng api ang asam
nilang hustisyang panlipunan

tangan sa puso ang prinsipyo
na makadalita't obrero
na pinapangakong totoo
mula dibdib, tiyan, at ulo
ito'y tangan ko hanggang dulo

- gregoriovbituinjr.
12.10.2022