Miyerkules, Hunyo 29, 2022

Organisado

ORGANISADO

epektibong tugon daw sa organisadong ganid
ay organisadong unyon, sa t-shirt ng kapatid
na manggagawa nakatatak, nang ating mabatid
naalala ko si Neri sa kanyang "moderate greed"

organisadong kasakiman ng tusong kuhila
at ng burgesya't uring mapagsamantalang lubha
sa bunga ng paggawa'y bundat at nagpakasasa
organisadong unyon ang tugon ng manggagawa

O, manggagawa, magkaisa't magtayo ng unyon
makabubuti ang pagkakapitbisig n'yo ngayon
pangalagaan ang karapatan ang inyong tugon
sa mga mapagsamantalang bwitre kung lumamon

lampas sa pagiging unyon ay maging makauri
upang mapang-aping sistema'y baguhin, magapi
lipunan ng manggagawa'y itayo, ipagwagi
organisahin ninyo ang sarili bilang uri

- gregoriovbituinjr.
06.30.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa isang pulong ng mga manggagawa 

Huwebes, Hunyo 16, 2022

Tirisin ang mga linta

TIRISIN ANG MGA LINTA

tandang-tanda ko pa ang sinabi ni Attorney Luke
sa kanyang mga talumpati, nakagagalit nga!
ang manpower agency pala kung ating maarok
ay lintang maninipsip ng dugo ng manggagawa

silang sanhi bakit mayroong kontraktwalisasyon
manpower agencies na kumukubra sa kumpanya
gayong di naman parte't walang ambag sa produksyon
nagkukunwaring employer, mga linta talaga!

employer-employee relationship dito'y tinanggal
nang walang kahirap-hirap, kumikitang kaytindi
kaya kontraktwal ay pwedeng matanggal sa prinsipal
dahil empleyado kuno ng manpower agency

iyang kontraktwalisasyon ay mawawakasan lang
pag mga manpower agencies ay isarang sadya
upang sa pag-eempleyo'y wala nang nanggugulang
at maging regular at direct-hired ang manggagawa

tunay na security of tenure law, isabatas
kung saan manpower agencies ay di na iiral
kung saan palakad sa trabaho'y magiging patas
kung saan manggagawa'y tunay na mareregular

manpower agencies, maninipsip ng dugo't pawis
ng manggagawa, tanggalin ang mga lintang iyan!
dapat na silang buwagin at tuluyang matiris
upang kontraktwalisasyon ay tuluyang wakasan

- gregoriovbituinjr.
06.17.2022

Martes, Hunyo 14, 2022

Manggagawa ang tagalikha ng kaunlaran

MANGGAGAWA ANG TAGALIKHA NG KAUNLARAN

nagtatayugang gusali, mahahabang lansangan,
tulay, ospital, mall, plasa, sinehan, paaralan
kung walang manggagawa, magagawa kaya iyan?
HINDI! manggagawa ang tanging nagsilikha niyan

hindi uunlad ang mga lungsod kung wala sila
manggagawa ang nagpaunlad nitong ekonomya
nilikha ng obrero ang maraming istruktura
kaya dapat tayong magpasalamat sa kanila

manggagawa yaong dahilan kaya may Kongreso
kaya may pabrika, may opis ang taong gobyerno
Malakanyang, Simbahan, skyway, subway, Senado
kung walang manggagawa'y walang kaunlaran tayo

tara, ating pagpugayan ang mga manggagawa
pagkat kaunlaran ng mundo'y kanilang nilikha
kaya di sila dapat pagsamantalahang sadya
ng mga tuso't kuhilang tubo lang ang adhika

- gregoriovbituinjr.
06.15.2022

Lunes, Hunyo 13, 2022

Malaya nga ba?

MALAYA NGA BA?

malaya nga ba ang bayan sa bulok na sistema?
ngunit api pa rin ang manggagawa't magsasaka?
naririyan pa rin ang tuso't mapagsamantala
nananatili pa ring nasa tuktok ang burgesya
habang kayrami pa ring naghahanap ng hustisya!

laganap pa rin ang salot na kontraktwalisasyon
na di magawang regular ang manggagawa roon
silang nagpaunlad ng ekonomya'y bakit gayon?
di mabayarang tama ang lakas-paggawa niyon
ganyan ba ang malayang bansa? ang malayang nasyon?

magsasaka'y lumilikha ng pagkain ng bayan
silang babad sa lupa'y bakit naghihirap naman
sila ang nagtatanim ng palay sa kabukiran
kaymura ng kilo ng palay, hindi makatwiran
at kaymahal ng kilo ng bigas sa pamilihan

malaya nga ba ang bayan pag ganyan ang sistema?
lupang ninuno'y puntirya, hari'y kapitalista
gobyerno'y walang kontrol sa presyo, hirap ang masa
laya ba'y ano? pag dayuhan ay napalayas na?
laya ba'y ano? pag wala nang mapagsamantala?

- gregoriovbituinjr.
06.13.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa Bantayog ng mga Bayani, 06.12.2022