Lunes, Pebrero 28, 2022

Paglulunsad ng 101 Red Poetry


PAGLULUNSAD NG 101 RED POETRY

ito'y bunsod ng tungkulin
ng makatang aktibista
na ating payayabungin
ang pulang literatura

pulang tula, red poetry
panitikang proletaryo
na sa madla nagsisilbi
tungong asam ng obrero

kandidato'y ipagwagi
sa landas ng kasaysayan
kandidatong makauri
si Ka Leody de Guzman

bilang pangulo ng bansa;
ang kanyang bise pangulo
si Ka Walden Bello na nga
sila'y ating ipanalo

ihalal nating totoo
pati buong line-up nila
at si Ka Luke Espiritu
para senador ng masa

ito ang aming layunin
na idadaan sa tula
itong aming adhikaing
lipunan ng manggagawa

at ngayon inilulunsad
pulang tula, red poetry
mga tulang ilalahad
para kina Ka Leody

tara, mag-ambag ng tula
upang ating payabungin
panitikang manggagawa
na ating pauunlarin

- gregoriovbituinjr.
03.01.2022

Poetry reading schedule:
March 21 - World Poetry Day
April 2 - Balagtas birthday
May 1 - International Labor Day

Tayo naman

TAYO NAMAN

sigaw natin: "Manggagawa Naman!"
ilagay natin sa panguluhan
ang ngalang Ka Leody de Guzman
sigaw ng obrero: "Tayo Naman!"

pag pinag-isipan, anong lalim
sagipin natin mula sa dilim
itong bayang inabot ng lagim
sa patayang karima-rimarim

sagipin natin ang ating nasyon
mula sa matinding pagkagumon
sa lintik na liberalisasyon,
deregulasyon, pribatisasyon

habang ating itinataguyod
ang living wage, pagtaas ng sahod
baligtad na tatsulok ang buod
ng pangarap na kalugod-lugod

tutulungan ang bata't babae
vendor, maralita, at pesante
at labanan ang mga salbahe:
ang burgesya't trapong asal-bwitre

"Tayo Naman!" na animo'y suntok
sa buwan subalit nanghihimok
palitan na ang sistemang bulok
at dukha ang ilagay sa tuktok

- gregoriovbituinjr.
02.28.2022

Ating kandidato

ATING KANDIDATO

sina Ka Leody de Guzman at Ka Walden Bello
sa pagkapangulo't pagka-bise ng bansang ito
mga matatag na lider, palaban, prinsipyado
sa halalang ito'y dapat nating maipanalo

kapado nila ang mga isyu ng sambayanan
kapado rin nila ang problema ng mamamayan
salot na kontraktwalisasyon ay dapat labanan
ititigil ang pangungutang ng dayong puhunan

buwis sa yaman ng bilyonaryo'y  isasagawa
sahod ay itaas, presyo ng bilihin ibaba
itaas sa living wage ang sahod ng manggagawa
paunlarin ang buhay ng magsasaka't dalita

ilan lang iyan sa aking nabatid at nasuri
silang lipunang makatao yaong minimithi
babaligtarin ang tatsulok, walang naghahari
sila'y karapat-dapat na iboto't ipagwagi

oo, sa halalang ito, sila'y ating pambáto
silang tinapatan ang mga dinastiya't tusong trapo
kasangga ng babae, pesante, dukha't obrero
silang magaling na lider na hanap ng bayan ko

- gregoriovbituinjr.
02.28.2022

Huwebes, Pebrero 24, 2022

Sa aklat ng kasaysayan

SA AKLAT NG KASAYSAYAN

nakaukit na sa kasaysayan
ang di naman sikat na pangalan
manggagawang kauna-unahang
tumatakbo sa pampanguluhan

magaling, matalas, mapanuri
tinahak niya'y landas ng uri
nilalabanan ang naghahari
kasangga ng dukha't naaglahi

matatag ang prinsipyo sa masa:
labanan ang pagsasamantala
baguhin ang bulok na sistema
ikalat ang diwang sosyalista

na may respeto sa karapatan
adhika'y hustisyang panlipunan
para sa lahat, di sa iilan
kaya pangalan niya'y tandaan

kinakatawan niya'y paggawa,
babae, pesante, dukha, madla
Leody de Guzman, manggagawa
at magiging pangulo ng bansa

- gregoriovbituinjr.
02.25.2022

Miyerkules, Pebrero 16, 2022

Ipanalo ang atin

IPANALO ANG ATIN

ipanalo ang atin
na lider na magaling
plataporma n'ya'y dinggin
namnamin at isipin

pinanday ng panahon
ang lider nating iyon
na tatanggal paglaon
sa kontraktwalisasyon

pakinggang magsalita
ang lider-manggagawa
na ang inaadhika
kabutihan ng madla

dala n'yang pagbabago'y
pangmasa, pang-obrero
na hangaring totoo'y
lipunang makatao

Ka Leody de Guzman
para sa panguluhan
ipanalo't ilaban
para sa sambayanan

- gregoriovbituinjr.
02.16.2022

Martes, Pebrero 8, 2022

Tagumpay ang proklamasyon ng manggagawa naman

TAGUMPAY ANG PROKLAMASYON NG MANGGAGAWA NAMAN

matagumpay ang naganap kagabing proklamasyon
ng Partido Lakas ng Masa, sadyang lingkod ngayon
Ka Leody de Guzman bilang pangulo ng nasyon
na sa mga suliranin ng bayan ay may tugon

mga kandidato ng P.L.M., pawang kaisa
ng taumbayan, ay nagpahayag ng plataporma
walang nagsayaw na artista ngunit nagsikanta'y
Kulay, Teatro Proletaryo't Pabrika, iba pa

nagsalita ang mabuting Propesor Walden Bello
ang pambatong senador na si Ka Luke Espiritu
ang makakalikasang kasamang Roy Cabonegro
at makakalikasan ding si David D'Angelo

mga nominado ng Partido Lakas ng Masa
Baldwin Sykimte, Lidy Nacpil, na mga kasama
Flor Santos, Manny Toribio, Jhuly Panday, pag-asa
ng bayan, para sa Kongreso'y ilagay talaga 

mabuhay kayong magigiting, ituloy ang laban
tunggalian na ng uri sa buong kampanyahan
mga kandidato ng burgesya'y huwag payagan
kundi ipanalo'y kandidato ng sambayanan

huwag hayaang ang trapo'y mabudol tayong muli
kundi baklasin na ang elitistang paghahari
di na dapat neoliberalismong siyang sanhi
ng dusa't kahirapan ng masa ay manatili

- gregoriovbituinjr.
02.09.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa Bantayog ng mga Bayani, 02.08.2022

Bardagulan na!

BARDAGULAN NA!

ang sabi sa U.P. Diksiyonaryong Filipino
ang bardagol ay nangangahulugang dambuhala
na ibig sabihin, dambuhalang halalan ito
kaya "Bardagulan na" ang pamagat ng balita

salamat sa Abante sa kanilang pag-uulat
at ang litrato ng lider-manggagawa'y kasama
sa labanan sa panguluhan, ulat na matapat
upang kandidato ng manggagawa'y makilala

si Ka Leody de Guzman para pagkapangulo
nitong bansang ang mayorya ng masa'y naghihirap
dala niya ang paninindigan ng pagbabago
upang iahon ang masa sa buhay na masaklap

baligtarin ang tatsulok ang matinding mensahe
upang neoliberalismong dahilan ng dusa
ng mayoryang madla ay bakahin at maiwaksi
at lipunang patas at makatao'y malikha na

si Ka Leody de Guzman ang pambato ng dukha
si Ka Leody ang kasangga ng kababaihan
si Ka Leody ang kandidato ng manggagawa
ipanalo si Ka Leody! MANGGAGAWA NAMAN!

- gregoriovbituinjr.
02.09.2022

bardagol (pang-uri) - dambuhala mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 143
* postcard, leaflet at sticker ni Ka Leody, at litrato mula sa frontpage ng Abante, 02.09.2022

Linggo, Pebrero 6, 2022

Konting tulong sa mga drayber

KONTING TULONG SA MGA DRAYBER

gutom ang idinulot ng pandemya
sa mga drayber na namamasada
konting tulong ang hinihingi nila
lalo't bihira naman ang ayuda

upang sa araw-araw mairaos
yaong buhay nilang kalunos-lunos
sila'y di makapamasadang lubos
kaya sa pamilya'y walang pangtustos

konting barya lang sa tabo ilagay
anumang kaya ay ating ibigay
kabutihang loob na lang ang alay
sa tulad nilang di na mapalagay

tulungan natin silang di sumuko
sa konti mang pag-asa'y di mabigo
punuin natin ang kanilang tabo
ng mga barya o kahit na buo

- gregoriovbituinjr.
02.07.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa Katipunan at Balara malapit sa UP gate

Huwebes, Pebrero 3, 2022

Tubero

TUBERO

manginginom nga ba ng tuba ang mga tubero
tulad ng nambababae, tawag ay babaero
ah, tubero'y dalubhasa sa pagkabit ng tubo
ng tubig o nagkukumpuni pag may tagas ito

paskil sa poste ng kuryente'y makikita riyan
paano kumontak ng tubero pag kailangan
at di na lang sa classified ads na binabayaran
kung saan pinaskil, malapit lang ang mga iyan

dagdag pa sa paskil ng dalubhasa't may diskarte
pag kailangan mo ng electrician o carpentry,
tiles setter o renovation, tingnan mo lang sa poste
kung repair of leak pipes, malapit lang sila sa tabi

malaking tulong na ang tulad nilang dalubhasa
na trabaho'y di pormal ngunit sadyang matiyaga
na dumidiskarteng tunay lalo na't walang-wala
na kung di kikilos, gutom tiyak ang mapapala

ang pagpapaskil sa poste'y pamamaraan nila
baka may magpagawa't mapakain ang pamilya
saludo sa mga tuberong wala sa pabrika
na sa pag-aayos ng tubo'y doon kumikita

- gregoriovbituinjr.
02.03.2022