Martes, Enero 25, 2022

Angkas

ANGKAS

madalas, inaangkasan lang natin ang patawa
ng kaibigang kalog o ng simpleng kakilala
basta huwag 'below-the-belt' o nakasisira na
sa ating pagkatao o sa dignidad ng kapwa

maraming riding-in-tandem ang gumawa ng krimen
ang angkas ang madalas bumira't siyang asasin
dapat may katarungan at mahuli ang salarin
hustisyang panlipunan ang marapat pairalin

manggagawa ang motor ng pambansang ekonomya
sapagkat di uunlad ang bansa kung wala sila
di lamang sila simpleng angkas sa kapitalista
sila na ang nagmomotor, sila pa ang makina

minsan, sa kanyang motorsiklo ako'y angkas agad
nang marating namin ang pupuntahang aktibidad
nang isyung pangmasa'y malinaw naming mailahad
nang kabulukan ng sistema'y aming mailantad

- gregoriovbituinjr.
01.26.2022

Lunes, Enero 24, 2022

Paggawa

PAGGAWA

dapat pang ipaglaban ang hiling at karapatan
ng mga manggagawang nagrarali sa lansangan
bakit? di ba't sila ang lumikha ng kabuhayan?
bakit ba sila'y api't tila di pinakikinggan?

bakit kapitalistang kuhila ang naghahari
at ginawang sagrado ang pribadong pag-aari?
bakit nasa ituktok ang burgesya, hari't pari?
bakit lugmok ang buhay ng manggagawa't kauri?

manggagawa ang tagalikha ng yaman ng bansa
pag-unlad ng ekonomya'y sila rin ang may gawa
kaya imortal ang misyong ito ng manggagawa:
ang daigdig ay buhayin ng kamay ng paggawa!

ganyan nga kahalaga ang paggawa sa daigdig
binubuhay ang sangkatauhan ng diwa't bisig
O, manggagawa, kapitalismo'y dapat malupig
kaya kayo'y magkaisang-diwa't magkapitbisig

- gregoriovbituinjr.
01.24.2022

* selfie ng makatang gala noong 11.30.2021, Araw ni Bonifacio, sa Quezon Ave., Quiapo, Maynila        

Sabado, Enero 22, 2022

Construction worker

CONSTRUCTION WORKER

kaytaas ng inyong ginagawa
aba'y talagang nakalulula
buwis-buhay ang trabahong sadya
huwag sanang disgrasya'y mapala

upang pader ay palitadahan
ay parang gagambang nag-akyatan
sa mataas na gusaling iyan
tiyak ba ang inyong kaligtasan?

sapagkat kayo'y construction worker
na nagpapalitada ng pader
anumang atas ng inyong lider
ay tatrabahuhin n'yo, anywhere

sinuong ang panganib, sumunod
para sa pamilya'y kumakayod
buwis-buhay, magkano ang sahod?
sanay ba sa lula kayong lingkod?

isa n'yo nang paa'y nasa hukay
isang pagkakamali lang, patay
sana'y mag-iingat kayong tunay
pagkat isa lang ang inyong buhay

- gregoriovbituinjr.
01.23.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa katapat ng napuntahang gusali

Lunes, Enero 17, 2022

Pangarap

PANGARAP

ah, napakatayog ng pangarap
nakatingala sa alapaap
kahit buhay ay aandap-andap
ay patuloy pa ring nagsisikap

nakatira man sa gilid-gilid
sa danas na pagkadukha'y manhid
basta't nabubuhay nang matuwid
mararating din ang himpapawid

nangarap ngunit di pansarili
kundi pag-asenso ng marami
sa sistemang bulok masasabi
palitan na't huwag ikandili

ang pangarap niyang itinakda
kasama'y organisadong dukha
pati na ang uring manggagawa
lipunang makatao'y malikha

- gregoriovbituinjr.
01.18.2022

Sabado, Enero 1, 2022

Kuyom ang kaliwa kong kamao

KUYOM ANG KALIWA KONG KAMAO

kuyom ang kaliwa kong kamao
hangga't wala pa ring pagbabago
hangga't api ang dukha't obrero
at nariyan ang kapitalismo

na sistemang mapagsamantala
sa lakas ng karaniwang masa
hangga't naghahari ang burgesya
at trapong sakim at palamara

ramdam ang sa lupa'y alimuom
hangga't manggagawa't dukha'y gutom
ibig sabihin, sa simpleng lagom
manananatiling kamao'y kuyom

itaas ang kamaong kaliwa
bilang simbolo't kaisang diwa
ng bawat dalita't manggagawa
sa pakikibaka'y laging handa

- gregoriovbituinjr.
01.02.2022

* drawing mula sa google

Pag-asa

PAG-ASA

umaasa pa ba tayong maglilingkod ng tapat
sa sambayanan ang mga trapong burgis at bundat
na upang mahalal, sa masa'y sasayaw, kikindat
habang korupsyong gawa nila'y tinatagong sukat

umaasa pa ba tayong maglilingkod na tunay
sa bayan yaong mga trapong kunwa'y mapagbigay
na pag naupo sa pwesto'y di ka na mapalagay
dahil limot na nila ang mga pangakong taglay

o lider-obrero ang ipantapat sa kanila
na ang dala'y pag-asa't pagbabago ng sistema
may prinsipyong angkin at tagapaglingkod ng masa
lider ng paggawang lalabanan ang dinastiya

hahayaan bang bulok na sistema'y manatili
at muling manalo yaong burgesya't naghahari
saan tayo tataya kung tumakbo na'y kauri
iwaksi na ang trapo, manggagawa'y ipagwagi

- gregoriovbituinjr.
01.02.2022

#manggagawanaman
#laborpower2022